MULING magkakaroon ng malaki¬ hang rolbak sa presyo ng mga produk¬ tong petrolyo sa susunod na linggo dahil sa pagbaha ng oil supply sa pandaigdigang merkado, ayon sa Department of Energy (DOE).
Sa isang press conference ay sinabi ni Energy Undersecretary Felix William Fuentebella na kailangan munang magbaba ng presyo ang mga kompanya ng langis bago ipatupad ang ikalawang bugso ng excise tax increase sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
“The reason is nagkakaroon ng supply glut. So, marami pa rin ang nasa merkado na petroleum products, at ang demand ay nagkaroon ng slowdown ‘yung pagbili ng consumers worldwide,” ani Fuentebella.
Gayunman ay hindi sinabi ni Fuentebella kung magkano ang inaasahang price rollback dahil inaalam pa, aniya, ng DOE ang eksaktong halaga habang hinihintay pa ang full assessment ng trading results para sa buong linggo hanggang ngayong araw.
“Gusto nating i-emphasize na i-apply muna ang rollback para ma-determine ‘yung base price bago i-apply ang excise taxes …” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng TRAIN law, simula noong Enero 1, 2018 ay nasa P2.50 kada litro ang excise tax sa diesel, at itinaas sa P7.00 kada litro ang excise tax sa gasolina.
Epektibo naman Enero 1, 2019, ang fuel excise taxes ay tataas ng P2.00 kada litro. Nangangahulugan ito na ang excise tax sa diesel ay tataas sa P4.50 kada litro at sa gasolina ay sa P9.00.
Nauna nang pinaalalahanan ng DOE ang mga kompanya ng langis na huwag ipatupad ang ikalawang bugso ng fuel excise taxes sa mga produktong petrolyo na nabili noong 2018.
Binalaan din ng ahensiya ang mga lalabag na mahaharap sa administrative penalties tulad ng pagpapasara sa kanilang negosyo at sa criminal penalty ng large scale estafa.
Comments are closed.