ROLLBACK SA PRESYO NG LANGIS PAGPASOK NG OKTUBRE

LANGIS-2

NAG-ANUNSIYO ang ilang kompanya ng langis ng kanilang rollback sa presyo ng kanilang petrolyo pagpasok ng Oktubre, na magiging epektibo ng alas-6 ng umaga ngayong Martes.

Sa isang abiso, inanunsiyo ng Petron ang kanilang mga price rollback ng P1.45 sa kada litro ng gasolina,  P0.60 kada litro ng  diesel at P1.00 kada litro ng  kerosene.

Ayon naman sa Petro Gazz na magtatapyas sila ng presyo sa gasolina ng PHP1.55 kada litro at diesel ng  PHP0.50 kada litro.

Ayon naman sa Total at PTT Philippines, ang  presyo ng kanilang gasolina ay ibababa nila ng P1.45 kada litro at diesel ng  P0.60 kada litro.

Ang presyo ng rollback ay kasunod ng Seaoil at Shell na nagbawas sa gasolina ng P1.45 kada litro, diesel ng  P0.60 kada litro at kerosene ng P1 kada litro na nauna nang nagbawas kahapon ng alas-6 ng umaga.

Ang Caltex naman ay magsisimula ng 12:01 ng hatinggabi ng Martes: gasolina -P1.45 kada litro, diesel -P0.60 kada litro; kerosene -P1 kada  litro.

Nauna nang nagpatupad noong Linggo ng hapon ang Cleanfuel ng P0.50 bawas-presyo sa kada litro ng diesel at P1.50 bawas-presyo sa kada litro ng gasolina.

Ang mga adjustment na ito ay kaugnay sa pagbabago sa pandaigdigang merkado.

Noong nakaraang linggo, nagtaas ang mga kompanya ng langis matapos ang pagtaas sa global prices kasunod ng drone attacks sa oil facilities sa Saudi Arabia.

Nagpahayag naman ang Saudi Arabia ng indikasyon na kompiyansa sila na magiging normal agad ang supply ng la­ngis.

Samantala, magtataas naman ang Petron ng presyo ng liquefied petroleum gasoline (LPG) ng P4.50 bawat kilo at  AutoLPG ng P2.50 kada litro simula alas-12:01 ng umaga ngayong araw.

Ang presyo ng adjustment ay katumbas ng international contract price ng LPG para sa buwan ng Oktubre.    PNA

Comments are closed.