HINDI na makapaglalaro si San Miguel superstar guard Terrence Romeo sa kabuuan ng PBA Philippine Cup na idi-nadaos sa isang ‘bubble’ setup sa Clark sa Angeles, Pampanga.
Ito ang inanunsiyo kahapon ni SMB coach Leo Austria makaraang sabihin sa kanya ng mga doktor na tumingin kay Romeo ang kalubhaan ng injury na nagtulak sa player na lisanin ang bubble.
Ayon kay Austria, matatagalan bago gumaling ang injury ni Romeo.
“I talked to him (Romeo) last night and the doctor told him na six to eight weeks ‘yung healing time,” ani Austria.
Ang three-time scoring champion ay isinugod sa kalapit na Medical City Clark at naunang na-diagnose na may dislocated right shoulder makaraang bumangga kay Tropang Giga guard Ryan Reyes noong Biyernes sa University Foundation Arena. Nagwagi ang TNT kontra SMB, 107-88, upang kunin ang solo lead na may 3-0 kartada.
Nalasap naman ng Beermen ang ikalawang sunod na kabiguan sa PBA restart at nahulog sa 1-2 marka.
Comments are closed.