ROMUALDEZ, DSWD, LOKAL NA OPISYAL NAMAHAGI NG P139M CASH AID SA 29,906 DAVAOEÑOS

Nasa P139.812 milyon ang cash assistance na naipamahagi sa 29,906 benepisyaryo sa Davao City, Davao de Oro, at Davao del Norte sa apat na araw na payout ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita (AKAP), isang flagship welfare program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang pamimigay ng ayuda ay pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na opisyal na isinagawa  mula Oktubre 18 hanggang 21.

Si dating Civil Service Commission chair Karlo Nograles ang namigay ng ayuda sa Davao City noong Lunes kung saan kabuuang P14.5 milyon ang ipinamahagi sa 4,859 benepisyaryo.

Iginiit ni Romualdez na ang  ayuda ay isang patunay sa pangako ni Pangulong Marcos na hindi papabayaan ang kapakanan ng  Da­vaoeños.

Ayon kay House Deputy Secretary Ge­neral Sofonias “Ponyong” P. Gabonada, ang apat na araw na event ay naglalayong tulungan ang mga marginalized sector partikular ang mga mahihirap na komunidad.

Sa Davao del Norte noong Oktubre 18 ay kabuuang P48.625 mil­yon ang ipinamahagi sa 9,725 benepisyaryo na nakatanggap ng tig-P5,000.

Kasama sa mga benepisyaryo ang mga guro, non-teaching school personnel, empleyado ng mall, staff ng pribadong ospital, at mga residenteng maliit ang kita.

Ang mga lokal na opisyal gaya nina Vice Governor Oyo Uy at Representative Alan Dujali ay mayroong mala­king papel sa pamimigay ng tulong pinansyal.

Oktubre 19 at 20 ay namigay naman ng tig-P5,000 o kabuuang P76.610 milyon sa  15,322 benepisyaryo sa Davao de Oro. Kasama sa mga natulungan ay mga barangay workers, school personnel, at mga empleyadong maliit ang kita maging  ang mga mahihirap na estudyante sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Sina Rep. Maricar Zamora, Councilor Myrill Apit of Mawab, Vice Mayor Honeyboy Libuangan ng Laak, at mga lider ng komunidad sa Maco, Mabini, at Nabunturan ay tumulong upang maging matagumpay ang pamimigay.

Oktubre 21, isinagawa naman ang payout sa Davao City kung saan P14,577,000 halaga ng cash aid ang ipinamahagi sa 4,859 benepisyaryo. Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng P3,000.

Kinilala ni  Romualdez ang mga opisyal ng gobyerno nasyunal at mga lokal na pamahalaan sa tagumpay ng pamimigay ng AKAP.

Nagpasalamat naman si Nograles sa national government sa pagtulong sa mga Davaoeños.

Tiniyak ni Romualdez na patuloy pang palalawigin ang tulong na inihahatid ng gobyerno sa mga nangangaila­ngang Pilipino upang matulungang makaba­ngon ang mga ito.