ROMUALDEZ: ‘IPAGLABAN ANG MAKATARUNGANG LIPUNAN’

SA PAGDIRIWANG kahapon sa ika-126 anibersaryo ng Pambansang Kalayaan ng Piipinas ay nanawagan si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa lahat ng Pilipino na ipaglaban ang isang makatarungang lipunan.

“Sa araw na ito, hindi lamang natin ginugunita ang kanilang kabayanihan kundi tinatanggap din natin ang hamon na kanilang iniwan,” pahayag ni Romualdez.

“Ang kalayaan ay hindi lamang isang pribilehiyo kundi isang responsibilidad. Tayo, bilang mga Pilipino sa makabagong panahon, ay may tungkuling ipagpatuloy ang laban para sa kalayaan—hindi lamang laban sa mga mananakop, kundi laban sa kahirapan, katiwalian, at kawalan ng katarungan,” diin niya.

Kanyang idinagdag na ang pagdiriwang ng Pambansang Kasarinlan ay isa ring okasyon upang magkaisa ang buong bansa sa pagtatanghal ng isang maunlad at makatarungang lipunan.

“Ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay hindi lamang pagbabalik-tanaw sa ating makulay na kasaysayan.

Pagkakataon din ito para tayo’y magkaisa sa pagbuo ng isang mas maunlad at makatarungang lipunan. Sa bawat hakbang natin patungo sa kaunlaran, nawa’y lagi nating tandaan ang mga aral ng nakaraan at ang mga sakripisyo ng ating mga ninuno,” wika ni Romualdez.

Ayon sa lider ng mahigit 300 kasapi ng Mababang Kapulungan ay isang karangalan at pribiliheyo na mabigyan ng oportunidad na magtalumpati sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.

“Isang malaking karangalan na makasama kayo sa pagdiriwang natin ng Araw ng Kalayaan dito sa makasaysayang

Simbahan ng Barasoain sa Bulacan. Mahalaga ang papel ng Simbahan ng Barasoain sa ating kasaysayan. Dito isinilang ang Unang Republika ng Pilipinas, ang kauna-unahang demokratikong republika sa Asya,” ani Romualdez.

Aniya, ang makasaysayang simbahan ay saksi sa pagtatatag ng Kongreso ng 1898 Kung saan idinaos ang unang sesyon at isinulat ang Saligang Batas ng Malolos.

“Ang mga sakripisyo at kabayanihan ng ating mga ninuno dito sa Barasoain ay isang paalala sa atin ng tunay na diwa ng kalayaan. Sa kanilang tapang at determinasyon, natamo natin ang ating kalayaan. Sila ang nagbigay ng daan upang tayo ay mamuhay nang malaya at marangal. Dito sa Simbahan ng Barasoain, nagbuklod-buklod ang ating mga ninuno upang itaguyod ang isang bansang malaya at may dignidad,” paalala ni Romualdez.

Dumalo sa nasabing okasyon ang mga mambabatas at mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Bulacan Governor Daniel Fernando. JUNEX DORONIO