ROMUALDEZ KAY TEVES: “UMUWI KA NA, KAMI ANG BAHALA SA IYONG KALIGTASAN”

ITO ang tiniyak kahapon ni House Speaker Martin Romualdez kay Negros Oriental Cong. Arnulfo Teves kasunod ng patuloy na pagtanggi nitong umuwi na sa bansa dahil sa pangamba para sa kanyang kaligtasan.

Ayon kay Speaker Romualdez, nang makausap niya sa telepono si Teves ay pinaalalahanan niya ito na walang mangyayari kung hindi niya haharapin ang mga alegasyong ibinabato sa kanya kaugnay ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo kamakailan.

Sinabihan umano niya si Teves na liliit lamang ang kanyang mundo kung hindi pa rin siya uuwi ng bansa.

Nabatid na Marso 9 ang huling araw ng leave o bakasyon ni Teves, base na rin sa travel clearance na isinumite nito sa Kongreso.

Kaya naman, sinimulan na ng House Ethics Committee ang pagdinig kung kailangan na bang patalsikin sa Kongreso o suspindihin muna ang naturang mambabatas dahil sa hindi pagsunod sa utos ni Speaker Romualdez na umuwi sa bansa.

“Natatakot siya sa kanyang seguridad pag umuwi daw siya. I told him, kami na ang bahala doon. Basta kailangan umuwi ka na para sagutin itong kaso mo dito,” ayon pa kay Speaker Romualdez.

Aniya, “Well, not coming home is not an option for him. Because at the end of the day, mahuhuli din siya kahit saan pa siya kapag napatunayan na nagkasala siya dito sa korte natin.”

Matatandaang si Teves ay itinuturo bilang isa sa utak sa likod nang pagpatay kay Degamo.