ROMUALDEZ, NANAWAGAN NG MAPAYAPANG BSKE

NANAWAGAN  si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa lahat ng kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong araw na panatilihin ang isang mapayapa at maayos na halalan.

Ang panawagan ni Speaker Romualdez ay bunsod na rin sa pagpatay sa mahigit 20 mga kandidato ng BSK election nitong mga nagdaang araw sa buong bansa.

“Nakikiusap tayo sa lahat ng kandidato na siguraduhin na mapanatili nila ang kapayapaan sa kani-kanilang mga lugar”, ayon kay Speaker Romualdez.

Paliwanag ng lider ng Kongreso,” magre-reflect sa inyo mismo na magulo ang inyong lugar at hindi ito maganda sa paningin ng inyong mga constituents”.

“Please refrain from violence at baka may madamay na mga inosente ninyong ka-barangay sa mga kaguluhan sa inyong lugar”, ayon pa kay Speaker Romualdez.

Nanawagan din naman ang mambabatas mula sa Leyte sa lahat ng botante na bumoto ng mga barangay at SK officials na sa tingin nila ay magtatrabaho para sa kanila.