KUMPIYANSA si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na nasa tamang direksyon ang bansa sa ilalim ng Marcos administration, patunay aniya rito ang pagbaba ng unemployment o bilang ng walang trabaho, pagpapababa ng implasyon at ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Romualdez, batay sa statistics, isang taon pa lang sa panunungkulan ang pangulo ay bumaba na ang bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas.
Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 4.5 percent o 2.17 million na lang ang walang trabaho sa higit na 120 million na populasyon ng bansa nitong Mayo kumpara noong nakaraang taon sa pag-upo ni Marcos na nasa 6 percent.
“Ito ang dahilan kung bakit pinapaspasan na natin sa Kongreso ang ilang batas para maging kaaya-aya at mahikayat ang pag-invest ng mga namumuhunan sa pamamagitan ng “ease of doing business laws,” dagdag pa ng mambabatas, sa isang panayam kamakailan.
Aminado ang mambabatas mula Leyte na ang “red tape” at korupsyon sa pagbubukas ng negosyo ang dahilan kung bakit nate-turn off ang ilang mga negosyante na mamuhunan.
Ani Romualdez, “More business means more work hindi lang sa manufacturing, retail, service pati sa food production tulad ng sa agriculture.”
Nabanggit din ng pinuno ng Kamara na patuloy ang pagbagal sa 5.4 percent ang inflation rate o pagtaas ng mga bilihin at paghina ng pera ng bansa mula sa 6.1 percent noong Mayo.
“Ang pagsirit ng presyo ng ilang agricultural products tulad ng sibuyas at bawang noong mga nakaraang buwan ay dahil sa hoarding,” paliwanag pa ng mambabatas.
Banta niya, “we will punish the hoarders na nagpapahirap sa buhay ng mga Pilipino”.
Lumago rin ang ekonomiya sa 6.4 percent sa ilalim ng Marcos administration.
“One year pa lang ang administrasyong ito. We have 5 more years to make the Filipino lives better,” pagtatapos na pahayag ni Speaker Romualdez.