ROMUALDEZ: US VISIT NI PBBM MALAKING PAKINABANG NG PILIPINAS

TINIYAK  ni House Speaker Martin Romualdez na ang pagbisita sa Amerika at pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kay US President Joe Biden ay malaking tulong sa Pilipinas.

Ayon kay Speaker Romualdez, “ definitely, hihikayatin ni PBBM si Pres. Biden na mag-invest pa sa Pilipinas para makalikha ng maraming trabaho para sa mga kababayan natin.”

“Bukod sa investment lalo pang pagtitibayin ng dalawang bansa ang kooperasyon sa depensa at seguridad ng ating bansa,” ani Romualdez.

Dagdag pa ng lider ng Kongreso, “Siyempre ang focus ng usapin nila ay palalakasin pa ang economic cooperation ng Pilipinas at US na ilang dekada na rin na nandiyan at malaking naitutulong sa ating ekonomiya.”

Nasa Amerika si Speaker Romualdez matapos makipagpulong sa mga mambabatas sa US Congress tulad nina US House Speaker Kevin Mc Carthy at US House Majority Leader Steve Scalise.

Sa isang pahayag, muling nabanggit ng US State Department na, “ipagtatanggol ang Pilipinas” sa magiging kaaway nito kung saka-sakali dahil sa matagal na nitong pagkakaibigan.

Bilang bahagi ng kasunduan ng Pilipinas at Amerika, nakakatanggap ang bansa ng mga military equipment at training mula kay Uncle Sam.

“We are expecting na pag-uusapan ng dalawang lider ang isyu sa climate change at pagbawas sa carbon emissions ng dalawang bansa,” dagdag pa ng mambabatas mula Leyte.