RONDA KING SI LOMOTOS

GINAMIT ni Ronald Lomotos ng Navy Standard Insurance ang 10th at  final stage bilang ‘victory ride’ upang tanghaling kampeon sa 11th LBC Ronda Pilipinas na nagtapos sa  Burnham Park sa Baguio City nitong Linggo.

Si Lomotos, 27, ay sumabay sa grupo na kinabilangan ng kanyang team captain at closest pursuer na si Ronald Oranza nang tumawid sa finish line ng  3.1-kilometer criterium na ito sa 20th place sa bilis na one hour, 17 minutes at 50 seconds.

Naiuwi ni Lomotos ang premyong P1 milyon.

“Ang ginawa ko ay sumabay na lang ako sa kanila hanggang matapos ang  final stage,” sabi ni Lomotos, ang unang taga-Zambales na nanalo sa tour.

“I still can’t believe I’m now LBC Ronda Pilipinas champion,” sabi ni Lomotos, na tumapos na second overall sa likod ni Navy teammate George Oconer sa huling edisyon ng annual cycling spectacle na ito, dalawang taon na ang nakalilipas.

Sa kabuuan, si Lomotos ay may oras na 35:31:38 upang maungusan si Oranza para sa pinakaaasam na premyo kung saan nagkasya ang huli sa ikalawang puwesto sa 35:31:59. Nagbulsa si Oranza ng  P400,000 premyo.

Bukod sa dalawang Ronalds, tatlo pang miyembro ng Navy Standard Insurance ang nasa Top 10 — El Joshua Carino (No. 3, 35:50:32), Jeremy Lizardo (No. 4, 35:50:43) at John Mark Camingao (No. 10, 36:12:17).

Ang iba pang top 10 finishers ay sina  Excellent Noodles’ Joshua Mari Bonifacio (35:51:46), Go for Gold’s Jonel Carcueva (35:53:57), Excellent Noodles’ Jan Paul Morales (35:55:23) at Joshua Pascual (35:56:34) at Team Nueva Ecija’s Marcelo Felipe (35:58:53).

Nakopo rin ng Navy ang ika-7  Ronda team crown na may kabuuang oras na 103:56:27 at kinuha ang iba pang individual awards — Oranza (Twin Cycle Gear King of the Mountain), at  Jeremy Lizardo (MVP Under-23 and Gogo Express Top Rookie).

Ang tanging tropeo na hindi nakuha ng Navy ay ang award na inisponsoran ng patron nito — ang Standard Insurance Sprint King plum — na napunta kay Felipe. CLYDE MARIANO