VIGAN CITY, Ilocos Sur – Ipagbunyi ang bagong Ronda Pilipinas champion na si George Oconer.
Sigurado na ang panalo dalawang araw bago ang pagtatapos ng karera, pormal na ipinatong sa ulo ni Oconer ang korona na binakante ni Francisco Mancebo ng Spain makaraang walang hirap na tapusin ang 10th at final stage na nadominahan ng kanyang teammate sa Standard Insurance-Navy na si Jan Paul Morales sa oras na 51 minutes at 20 seconds.
Binigo ni Morales ang mga Ilocano rider na pinangunahan ni Vigan native Jericho Brioso sa harap ng kanilang mga kababayan kung saan tumapos ang 34-anyos na taga-Morong, Rizal na may pinakamaraming panalo sa karera – fifth, sixth at 10th stages.
Tinakbo ni Oconer ang mahigit 1,411 kilometers na 10 stages sa kabuuang oras na 32 hours, 42 minutes at 12 seconds at ibinulsa ang P1 million cash prize at handcrafted trophy.
Ginabayan ni dating national mainstay Ronald Gorantes, kinuha ng Standard Insurance-Navy ang unang anim na puwesto, sa pangunguna ni Oconer, kasunod sina Ronald Oranza, Ronald Lomotos, John Mar Camingao, Junrey Navarra at El Joshua Carino at inangkin ang team title at premyong P200,000.
Inangkin ni Oconer ang 2020 Ronda Pilipinas na walang ipinanalong stage tulad ng ginawa ni inaugural champion Santy Barnachea noong 2011 kung saan itinanghal si Oconer bilang Rrookie of the Year.
Sa 10 season ng karera, ngayon lang nangyari na dinomina ng isang koponan ang lahat ng divisions maliban sa Under-23 bracket.
Itinanghal naman si El Joshua Carino bilang King of the Mountain, habang sinungkit ng kanyang nakababatang kapatid na si Daniel Ven Carino ng Go 4 Gold ang titulo sa Under-23 at tumapos na eighth overall na may 5 minutes at 46 seconds sa likod ni Oconer.
“Una sa lahat ay nagpapasalamat ako kay Lord at ginabayan at inilayo niya ako sa sakuna at sakit sa loob nang 10 araw,” sabi ni Oconer
“Ang panalo kong ito ay iniaalay ko sa aming boss at team owner na si Ernesto Echauz. Hindi namin magagawa ito kung wala siya. ‘Yung kanyang generosity ang nagbigay sa amin ng lakas at determination,” dagdag ni Oconer. CLYDE MARIANO
Comments are closed.