LUCENA CITY— Tumapos si Jonel Carcueva ng Go for Gold sa ika-7 puwesto sa Stage 5 upang maagaw ang liderato kay Jan Paul Morales ng Excellent Noodles sa 11th LBC Ronda Pilipinas nitong Lunes.
Naorasan si Carcueva, 26, ng five hours, 17 minutes at 49 seconds sa 212.5-kilometer stage— ang pinakamahaba sa 10-stage race na ito —na pinangunahan ni Joshua Mari Bonifacio, 23, ng Excellent Noodles sa 5:15:59.
Sa ipinamalas ng tubong Mendenilla, Cebu ay nag-iba ang overall individual general classification, tampok ang paglundag niya sa ibabaw na may kabuuang oras na 15:02:52 habang nahulog si Morales sa ikalawang puwesto na may 15:04:09 makaraang isuot ang red LBC jersey sa unang apat na stages.
Nakuha naman ni Bonifacio ang unang stage victory sa kanyang young at promising career.
Naungusan ng ipinagmamalaking anak ng Zambales si El Joshua Carino ng Navy Standard Insurance na naorasan ng 5:16:07.
Pumangatlo ang isa pang Go for Gold bet, si Ronnilan Quita, sa 5:17:44 para sa kanyang ikalawang podium finish matapos na pumangatlo rin sa Stage One Individual Time Trial sa Sorsogon City noong Biyernes.
Ang iba pa sa top 10 ay sina Mervin Corpuz ng Excellent Noodles na bumaba sa No. 3 mula No. 2 na may 15:04:29; Daniel Ven Carino na umakyat sa No. 4 mula No. 13 na may 15:04:44; at John Mark Camingao ng Navy Standard Insurance na umangat sa No. 5 mula No. 14 na may 15:05:12.
Bumaba si Ronald Oranza ng Navy Standard Insurance, ang 2018 titlist, sa No. 6 mula No. 4 sa 15:05:29; nahulog si 2011 at 2015 Ronda winner Santy Barnachea sa No. 7 mula No.5 sa 15:05:38; umakyat si Ronald Lomotos ng Navy Standard Insurance sa No. 8 mula No. 15; at bumagsak sina Jericho Jay Lucero at Aidan Mendoza ng Go for Gold sa Nos. 9 at 10 mula Nos. 7 at 8 sa 15:05:57 at 15:06:02, ayon sa pagkakasunod. CLYDE MARIANO