LUCENA CITY – Kinuha ni Ronald Lomotos ang fourth stage ng 2020 Ronda Pilipinas, subalit ang pinakamalaking nakinabang sa panalo ng taga-Zambales rider ay si Mark Julius Bordeos, na nabawi ang overall lead kay Jerry Aquino Jr.
Inangkin ni Lomotos ang pinakamahabang lap na 206 kilometers run mula Daet sa Camarines Norte hanggang Lucena sa oras na 4 hours, 56 minutes and 28 seconds, na parehong oras na naitala ng kanyang dalawang kasamahan sa Philippine Navy Standard Insurance na sina Junrey Navarra at El Joshua Carino.
Dumating sina Lomotos, Navarra at Carino sa finish line na isang minuto at tatlong segundo ang lamang sa 17-man second group ni Dominic Perez, kasama sina Bordeos, George Oconer, Ronald Oranza, Rustom Lim, at Ronnel Hualda na may magkakaparehong oras na 4:57.31 seconds.
“Kailangang patunayan ko sa kanila na kaya kong manalo at matagumpay kong nagawa sa kabila na mahaba ang ruta at masama ang condition ng panahon, nag-uulan sa Camarines Norte at sumikat ang mainit na araw sa Quezon,” sabi ng 29-anyos na tour veteran na taga-San Felipe, Zambales.
Sa panalo sa 4th stage ay pumasok si Lomotos sa Magic 10 (no. 9), 1 minuto at 24 segundo sa likuran ni Bordeos.
Nabawi ni Bordeos, nanalo sa initial stage sa Sorsogon, ang overall lead kay Aquino na may kabuuang oras na 14 hours, 41 minutes at 17 seconds makalipas ang apat na stage. Bumagsak si Aquino sa fifth spot, 50 segundo sa likod ni Bordeos.
Umakayat si Oconer, anak ni 1992 Barcelona Olympian Norberto Oconer, sa ikalawang puwesto, sumusunod si Rustom Lim.
Sa panalo ni Lomotos ay nagkaroon ng major shakeup sa ‘Magic 10’ kung saan nalaglag sina Mark John Lexer Galedo, Aidan James Mendoza, Mervin Corpuz, Alvin Benosa, at Jester Neil Mendoza at pinalitan sila nina Daniel Ven Carino, Jonel Corcueva, Ismael Gorsope Jr. at Asian Games at Asian Cycling campaigner Ronald Oranza.
Tatakbuhin ng mga siklista ang 5th stage na may distansiyang 146.5 kilometers mula Lucena hanggang Antipolo, Rizal bago lumipat sa Northern Luzon. CLYDE MARIANO
Comments are closed.