RONDINA-GONZAGA, ESLAPOR-RODRIGUEZ SINIGURO ANG MEDALYA NG PH

SUBIC — Dinispatsa nina Sisi Rondina at Jovelyn Gonzaga at Genesa Jane Eslapor at Floremel Rodriguez ang kani-kanilang katunggali mula sa Japan upang makasiguro ang Pilipinas sa kahit bronze medal sa Volleyball World Beach Pro Tour Futures kahapon sa Subic Bay Sand Court.

Sinibak ni Rondina, itinuturing na mukha ng Philippine beach volleyball, at ng kanyang partner na si Gonzaga sina Ericka Habaguchi at Saki Maruyama, 18-21, 21-12, 15-7, sa quarterfinal match upang umabante sa susunod na round.

Ginapi naman nina Eslapor at Rodriguez sina Ren Matsumoto at Non Matsumoto, 21-16, 21-18, upang magmartsa rin sa semifinals.

Nangangahulugan ito ng dalawang posibilidad para sa Filipina pairs sa pagtatapos ng aksiyon sa event na inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF)

Una ay ang all-Filipino final para sa 1-2 podium finish kapag namayani sina Rondina at Gonzaga kina Israel’s Yahli Ashush at Anita Dave at sina Eslapor at Rodriguez kina Japanese tandem Miyu Sakamoto at Mayu Sawame sa semifinals.

Kung hindi ay maghaharap sila para sa bronze sa Linggo ng hapon.

Anuman ang mangyari, ang Pilipinas ay nakasisiguro na ng podium at best finish sa prestihiyosong international beach volleyball tournament.

“Thank you Sisi,” ang unang nasambit ni Gonzaga at mahigpit na niyakap si Rondina sa kanilang mixed zone interview moments matapos ang laban.

Naka-shade si Gonzaga ngunit nakita ang pagtulo ng kanyang mga luha sa kanyang pisngi.

Sumagot si Rondina sa pagtapik sa pisngi ng kanyang partner.

“I’m really motivated and inspired by Sisi [Rondina] in the second set after struggling in the first set,” ani Gonzaga. “She gave me confidence and she trusted me so I stepped up and finally made some key plays.”