RONDINA-GONZAGA TANDEM ABANTE SA QUARTERFINALS

SUBIC— Hindi lamang sinibak nina Sisi Rondina at Jovelyn Gonzaga ang kanilang mga katunggali mula sa Canada at Czech Republic, kundi nakayanan din nila ang pressure na magwagi sa home upang umusad sa quarterfinal-round sa Volleyball World Beach Pro Tour Futures nitong Biyernes sa Subic Bay Sand Court.

“We just enjoyed the game,” pahayag ng 26-anyos na si Rondina, marahil ang pinakasikat na beach volleyballer sa bansa.

“We did our job—like I focused more on defense and Jov [Gonzaga] on blocks.”

Tinalo nina Rondina at Gonzaga, nagtambal sa unang pagkakataon sa isang major international competition, ang mas matatangkad na sina Darby Dunn at Olivia Grace Furlan ng Canada, 21-19, 21-18, sa kanilang morning match ng main draw.

Bumalik sila pagkalipas ng dalawang oras sa tanghali at dinispatsa sina Czechs Valerie Dvornikova at Anna Pospisilova, 21-14, 21-16, upang mapanatiling buhay ang kampanya ng bansa sa event na inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).

“We made adjustments and we approached our assignments one match at a time,” sabi ni dating University of Santo Tomas ace Rondina, may-ari ng back-to-back Southeast Asian Games bronze medals kasama si Bernadeth Pons.

Itinambal si Rondina kay Gonzaga habang nagpapagaling si Pons sa shoulder injury. Si Pons ay nasa stands at nagtsi-cheer sa limang Philippine teams na sumasabak sa torneo.

Para kay Gonzaga, ang pressure ay nagmula kapwa sa home fans at sa paglalaro kasama si Rondina, kung saan mataas ang expectations.

“It was tough because I’m playing with Sisi and the pressure is there for me to step up,” ani Gonzaga, isang Army personnel.

Ang iba pang Filipina pair nina Genesa Jane Eslapor at Floremel Rodriguez ay sinimulan ang kanilang kampanya sa main draw sa 21-7, 21-13 panalo kontra Singapore’s Eliza Hong at Zhao Rong Phua, subalit yumuko kina Israel’s Yahli Ashush at Anita Dave, 13-21, 16-21.

Ginapi naman nina Jude Garcia at Krung Arbasto sina Japan’s Ryoto Sato at Ryo Shindo, 2-0, subalit natalo kina Latvia’s Martin Plavins at Mikhail Samoilov, 19-21, 21-18, 7-15, upang masibak sa men’s main draw.

Nakatakda ang knockout quarterfinals sa Sabado.