RONDINA-GONZAGA WAGI NG GOLD SA SUBIC BEACH VOLLEY

SUBIC— Dinispatsa nina Sisi Rondina at Jovelyn Gonzaga sina Genesa Jane “Jen” Eslapor at Floremel Rodriguez, 22-24, 21-12, 15-12, sa women’s final ng Volleyball World Beach Pro Tour Futures kahapon sa Subic Bay Sand Court.

Nalusutan ni Rondina ang pamumulikat sa buong laro at kinailangan ni Eslapor ng five-minute medical timeout sa second set upang pawiin ang pamumulikat na umakyat sa kanyang tiyan mula sa hita.

Subalit naging matatag ang parehong tambalan kung saan mula sa medical timeout ay bumanat si Espalor ng apat na sunod na service aces upang ilapit ang kanyang PHL Blue team sa Blue squad ni Rondina sa 10-12, sa decider.

Ngunit naitarak ni Rondina ang huling tatlong puntos sa laro para sa titulo.

“We were tired … after having gone through the competition, the pressure and the strong opposition,” sabi ni Rondina, ang pinakasikat sa apat na finalists, matapos ang finals.

“I could hardly jump, even during our pre-final training,” sabi ng back-to-back Southeast Asian Games bronze medalist kasama si Bernadeth Pons, na sumasailalim sa rehab dahil sa shoulder injury.

Sinabi ni PNVF president Ramon “Tats” Suzara na ang 1-2 finish sa isang Volleyball World event ang best performance ng alinmang Philippine team.

“The result augurs well for Philippine volleyball and for sure, the PNVF national team program will push toward getting better in the international arena,” ani Suzara

Sinibak nina Rondina at Gonzaga sina Israel’s Yahli Ashush at Anita Dave, 20-22, 21-8, 17-15, habang pinatalsik nina Eslapor at Rodriguez sina Japan’s Miyu Sakamoto at Mayu Sawame, 16-21, 28-26, 15-13, sa semifinals na nilaro Linggo ng umaga.

Pinataob nina Sakamoto at Sawame ang Israelis, 21-15, 21-18, sa duelo para sa bronze medal.