TAGUIG CITY – PATAY ang isang bagitong pulis na pinaniniwalaang miyembro ng umano’y “Maru kidnap for ransom” group samantalang arestado naman ang tatlo pang pulis sa isang entrapment operation kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. ang napatay na pulis na si PO1 Gererdo Ancheta, nakatalaga sa Taguig City Police Community Precinct PCP) -1. Namatay si Ancheta sa lugar ng pinangyarihan sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Arestado naman ang tatlong pulis na kasamahan ni Ancheta na sina PO1 Bryan Amir Bajoof; PO1 Paolo Ocampo, at ang pinaniniwalaang lider ng “Maru kidnap for ransom” group na si PO2 Joey Maru, pawang nakatalaga sa PCP-1.
Ayon kay Apolinario, naganap ang engkuwentro dakong alas-3:30 ng madaling araw kahapon ng madaling araw nang magsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib na puwersa ng Station Drug enforcement Unit (SDEU) at ng Special Operations Unit (SOU) sa Tandem St., Arca South, Western Bicutan, Taguig City.
Bago magsagawa ng entrapment operation ang SDEU at SOU, nagtungo ang biktimang si Ronielyn Caraecle sa himpilan ng pulisya upang magreklamo sa apat na armadong lalaki na pumasok sa kanilang tahanan sa Viscara St., New Lower Bicutan, Taguig dakong alas 12:30 ng madaling araw kahapon.
Dagdag pa ni Caraecle, kinuha ng mga suspek ang kanyang perang P7,000, dalawang gold watches at LV wallet.
Makaraang tangayin ng mga suspek ang kanyang pera at mga gamit ay sapilitang dinala naman sila ng kanyang kasintahang si Samuel sa Tandem St., Arca South, Wester Bicutan kung saan hinihingan sila ng P50,000 kapalit ng kanilang paglaya.
Nakaabot sa kaalaman ng pamilya ni Ronielyn ang balita ngunit halagang P20,000 lang ang kanilang nakayanang ibigay kung kaya’t pansamantalang pinalaya si Ronielyn upang makakalap pa ng karagdagang P30,000.
Sa halip na maghanap ng pera na idadagdag sa hinihingi ng mga suspek at dahil na rin sa kanyang takot ay naisip niyang magtungo na lamang sa pulisya upang i-report ang pangyayari.
Hindi na nag-aksaya pa ng panahon ang awtoridad at nagsagawa na sila ng entrapment operation na naging dahilan ng naturang engkuwentro at pagkamatay ni Ancheta at pagkakaaresto ng tatlo pang miyembro ng naturang kidnap for ransom group.
Napag-alaman pa sa imbestigasyon na pinasok din ng mga suspek dakong alas- 8:30 kamakalawa ng gabi ang bahay ng isang Moreen del Castillo sa MLQ St., Purok 2, New Lower Bicutan at tumangay ng halagang P50,000 cash.
Narekober sa posesyon ng mga suspek ang apat na pistola na may magazine, dalawa pang reserbang magazine ng baril, isang relo, tatlong cellular phones, at mga drug parapernalia samantalang dalawang sachet ng shabu naman ang nakuha sa katawan ni Ancheta.
Sasampahan ng kasong robbery-holdup at kidnap for ransom ang mga arestadong suspek sa Taguig City Prosecutor’s office.
Sinabi ni Apolinario na bunsod sa naturang pangyayari ay iniutos ni National Capital Region Police Office Director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang pagsibak ng kabuuang 39 na miyembro ng Taguig police PCP-1 at ma-reassign sila sa RHSG ng NCRPO. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.