ROOKIE COP NA NANAMPAL SA BUS DRIVER SINIBAK

PO1 Edmar Costo

PARAÑAQUE CITY – SINIBAK sa puwesto ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director, Chief Supt. Guillermo Eleazar ang isang  bagitong pulis matapos mag-viral sa social media ang video nito hinggil sa pananampal sa isang pasaway na  bus driver.

Halos nanggagalaiti sa galit si Eleazar nang tanggalin nito sa puwesto si PO1 Edmar Costo, nakatalagang beat patroller ng Police Community Precint (PCP) 1, ­Parañaque City Police.

Ayon sa report, nabatid na nag-viral sa social media (Facebook) ang ginawang pananampal ni P01 Costo kay Joel Mametis, nasa hustong gulang,  driver ng Valisno Express Bus na may plakang TXV 220.

Lumalabas sa imbestigasyon na naganap ang insidente  alas-5:30 ng umaga  sa  panulukan ng Roxas Boulevard  at  Redempto­rist St.,  Brgy. Baclaran, Parañaque City.

Nabatid na nagsasagawa ng beat patrol  si  PO1 Costo sa natu­rang lugar  at sinita  nito si  Mametis dahil nakabalagbag ang minamaneho nitong bus.

Nang sitahin at hingin ang lisensiya ng driver nagmatigas pa umano ang driver na si Mametis at nagparinig ng masasakit na salita laban sa pulis at ngumiti pa ito nang nakakainsulto.

Sinabihan pa umano ng konduktor ang driver na bibigyan na lamang ng P100 ang naturang pulis.

Kung  kaya’t umakyat ng bus si PO1 Costo sabay  kuha ang lisensiya ng driver at dito ay nakita niyang may nakasingit na nakatuping P100.

Dahil dito, nainsulto si PO1 Costo sa ginawang panunuhol sa kanya at   hindi nito  napigilan  ang galit at sinampal nito ang naturang driver.

Isa namang netizen ang kumuha ng video hinggil sa insidente at ipinost sa social media. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.