ROOKIE COP TODAS SA AMBUSH

PATAY ang isang bagitong pulis matapos pagbabarilin ng isang hindi kilalang gunman na sakay ng isang motorsiklo sa Caloocan City.

Ang napaulat na pagpatay kay Pat. Jefferson Valencia, 24-anyos, residente ng Gen. Luna, Zaragoza Nueva Ecija dakong alas-7:30 ng Lunes ng umaga na hindi kabilang sa talaan ng significant accomplishments at incident report na ipinost ng Northern Police District Public Information Office (NPD-PIO) bagaman natanggap nila ang kopya ng report mula sa Caloocan City Police bandang alas-10:33 ng umaga.

Lumabas sa imbestigasyon, habang minamaneho ni Valencia ang isang silver gray na sasakyan na may plakang (NJQ-618) sa kahabaan ng Clamor Avenue, Brgy. 171, Bagumbong nang dumaan sa kaliwang bahagi ng kanyang sasakyan ang gunman na nasa 5’5 ang taas, nakasuot ng itim at pulang cap, itim na jacket, itim shorts saka pinaulanan ng bala ang driver’s seat.

Kaagad binawian ng buhay ang biktima sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan habang rumampa naman sa poste ng kuryente ang sasakyan matapos mawalan ng kontrol.

Base sa pahayag ng saksing 56-anyos na liason officer at residente sa lugar, matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek patungong Bankers Village, Brgy. 171.

Narekober ng mga tauhan ng NPD Forensic Unit sa pangunguna ni Capt. Romar Quilang sa crime scene ang anim na basyo ng bala at isang bala ng caliber .9mm pistol.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 9 subalit, nabigo silang matukoy ang pagkakilanlan at maaresto ang suspek habang inaalam pa ang motibo sa pagpatay sa biktima. EVELYN GARCIA/ VICK TANES