NAGING mainit na usapin kamakailan ang pagdami ng bilang ng mga pulis na nasasangkot sa mga ilegal na gawain at pang-aabuso sa kapangyarihan. Bagama’t hindi ito ang unang pagkakataong nabahiran ang imahe ng ating kapulisan dahil sa katiwalian at pag-abuso ng ilang mga alagad ng batas, tumitingkad ang isyu sapagkat sa gitna ng masidhing kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga, korupsiyon at pagsasamantala sa kapangyarihan, may ilang mga mula sa hanay ng kapulisan ang siya mismong sumasalungat sa direksiyon ng pagbabago na buong lakas na isinusulong ng ating Pangulo.
Naging kapansin-pansin din na higit na marami ang bilang ng mga bagitong pulis na nasasangkot sa ilegal na droga, pangongotong, kidnapping, extortion at iba pang mga uri ng krimen kumpara sa mga beterano na sa serbisyo. Bunsod marahil ng mga ganitong kaganapan, naghain ng panukalang batas sa Senado si Senator Panfilo Lacson upang maisailalim na sa PNP ang tungkulin na sanayin at patatagin ang mga nagnanais na mapabilang sa hanay ng kapulisan. Kung maging isang ganap na batas, ang panukalang ito ni Senador Lacson ay inaasahang magbibigay daan para sa isang panibagong hanay ng mga malalakas at mabubuting alagad ng batas na hinubog sa tradisyon ng disiplina, katapatan sa tungkulin at paglilingkod sa kapuwa at sa bayan.
Nais ko ring imungkahi na magkaroon ng dalawang taong pagsubaybay sa mga bagitong pulis bago sila maging permanente sa serbisyo o bago sila maiakyat ng ranggo. Halimbawa, ang isang police trainee na matagumpay na makatatapos ng pagsasanay ay mapapabilang na sa kapulisan subalit bilang isang Rookie Cop at itatambal sa isang mas nakatataas na beteranong pulis na siyang gagabay at magtuturo sa Rookie Cop ng mga dapat niyang malaman at maunawaan bilang isang alagad ng batas. Mungkahi ko rin na magkaroon ng ibang kulay ng uniporme ang Rookie Cops upang madaling malaman ng publiko na sila ay mga bagong pulis at nasa panahon pa rin ng pagsubaybay. Sa ganitong paraan, higit na magiging mapanuri ang bagong pulis sa kanyang mga desisyon at gawain sapagkat anumang salungat sa kanyang sinumpaang tungkulin ay maaaring maging sanhi ng kanyang agarang pagkatiwalag sa serbisyo.
Layunin ko sa mungkahing aking nabanggit na makasanayan ng isang bagong talagang pulis ang pagpili sa kung ano tama at makatarungan sa lahat ng pagkakataon. Kung nakasanayan na ng ating mga kapulisan ang mabuting gawain sa pagsisimula pa lamang ng kanilang serbisyo bilang alagad ng batas, madadala nila ang ganitong pag-uugali hanggang sa kanilang pagtanda sa serbisyo. Sa gayon, nakatitiyak tayo ng isang bagong hanay ng kapulisan na tunay na maaasahan at may malasakit sa sambayanan.
Comments are closed.