SIMULA ngayong Linggo, tatawagin nang Fernando Poe, Jr. (FPJ) Avenue Station ang Roosevelt Station ng LRT-1 matapos itong pasinayaan nina Senadora Grace Poe, Senador Lito Lapid, dating Senate President Tito Sotto III, Cong. Arjo Atayde at Direk Coco Martin ng Batang Quiapo.
Si Senador Lapid ang awtor at si Senador Sotto ang nag-sponsor ng FPJ avenue law o ang Republic Act No. 11608.
Sa ambush interview, sinabi ni Lapid na hindi niya matatawaran ang naiambag ni FPJ sa industriya ng pelikula at sa bansa.
Binanggit ni Lapid na ang kanyang ama ay stuntman noon ni FPJ hanggang sa kunin siyang stuntman na rin ni Da King.
Palaging sinasabi ng senador na “walang Senador Lapid kung walang FPJ” na nag-aruga at nagbigay break sa kanyang karera sa showbiz.
Itinaon ito sa kaarawan ni Da King nitong Agosto 20.