LUNGSOD NG MALOLOS – PINANGUNAHAN ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang libo-libong Bulakenyo sa pagdiriwang ng kapanganakan ng Ama ng Pamamahayag at Ama ng Masoniriya sa Filipinas, Gat Marcelo H. Del Pilar kahapon, dakong alas-8:00 ng umaga sa Dambana nito sa Brgy. San Nicolas, Bulakan, Bulacan.
Nagsimula ang pagdiriwang, na nakaangkla sa temang “Marcelo H. Del Pilar: Bayani Noon, Ngayon at sa Nagbabagong Panahon”, sa pamamagitan ng isang makulay at malapistang parada na dinaluhan ng mga pampubliko at pribadong guro at mag-aaral, drum and lyre at marching bands, mga mamamahayag, Knights of Rizal, mga mason, mga residente ng Bulakan at iba pang sektor sa ganap na alas-6:00 ng umaga.
Sinundan ito ng pagtataas ng watawat, panunumpa sa watawat, at pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Del Pilar.
Naniniwala si Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado na patuloy na pinag-aalab ni Plaridel, kasama ang marami pang bayaning Filipino, ang puso ng sambayanan sa pamamagitan ng hindi malilimutang legasiya na iniwanan nila makaraang makipaglaban sila para sa kalayaan.
“Hanggang sa kasalukuyan ay ating tinatamasa ang kalayaan na ipinakipaglaban at pinag-alayan ng sariling buhay ng mga Filipino, kabilang diyan ang maraming Bulakenyo katulad nila Marcelo H. Del Pilar, Gregorio Del Pilar, Mariano Ponce at Anacleto Enriquez. Hindi sapat ang salita upang matumbasan ang kanilang dakilang sakripisyo ngunit masusuklian natin ito sa pamamagitan ng pagmamahal sa bayan na kahit sa maliliit na bagay ay ating mapatutunayan,” anang gobernador.
Naging posible ang pagdiriwang sa pamamagitan ng sama-samang pagtataguyod ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at Pamahalaang Bayan ng Bulakan. A. BORLONGAN
Comments are closed.