ROQUE SA SENADO: UNIVERSAL HEALTHCARE LAW IPASA NA

HINIKAYAT kahapon ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque ang Senado na tumalima sa panawagan ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na ipasa ang Universal Health Care (UHC) Bill, isang panukala na ayon sa tagapagsalita ng Palasyo ay naipasa na sa Kamara noong Setyembre pa ng nagdaang taon.

Sa kanyang mga panayam sa radyo ngayong Huwebes, inulit ni Roque ang panawagan sa Senado na umaksiyon ayon sa pahayag ng Pangulo. Sa kanyang ikatlong SONA noong Lunes, hiniling ng Pangulo ang pagsasabatas ng UHC Bill kasabay ng pahayag na ito ay isa nang “urgent measure.”

“Malinaw, malakas at buong-buo ang panawagan ng Pangulo sa Kongreso tungkol sa pagsasabatas ng ‘universal healthcare.’ Nagawa na ng Kamara ang papel nito. Panahon na upang gawin ng Senado ang kanilang trabaho,” ayon sa dating mambabatas.

Sa kanyang SONA, kinilala ng Pangulo na “marami pa ang kaila­ngang gawin upang lubusang mapabuti ang sistema sa pangangalaga sa kalusugan ng bansa. Ang kasalukuyang sistema ay watak-watak, at iba-iba ang uri ng serbisyo sa pagitan ng mayayaman at mahihirap, sa pagitan ng mga kanayunan at mga lungsod.”

Upang tugunan ito, sinabi ni Duterte na kaila­ngang “pagsama-samahin ang mga pinagkukunan para sa serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng PhilHealth; patatagin ang ‘primary care’ bilang pangunahing hakbang tungo sa mas mataas na ‘healthcare;’ at punan ang kakulangan sa mga lokal na pamahalaan ng mga manggagawa sa sektor ng kalusugan sa pamamagitan ng isang National Health Workforce Support System.”

“Sa pamamagitan lamang ng mga ito tayo makasisiguro na matatanggap ng bawat pamilyang Filipino ang nararapat, mura at dekalidad na serbisyong pangkalusugan, mula sa dekalidad na pasilidad, at hindi inaalala ang malaking gastos sa pagpapagamot,” dagdag pa ng Pangulo.

“Upang makamit natin ito, aking hinihikayat ang agarang pagpasa ng Universal Health Care Bill na inakda ni dating Congressman Harry Roque.”

Ipinaalala pa ni Roque sa mga nakikinig na ang panukalang batas ay isang makabagong inobasyon o kaparaanan sa pagbibigay ng health insurance sa lahat ng Filipino, wala mang kakayanang magbayad sa buwanang ‘premium.’

“Napakalaking ginhawa ito para sa ating mga kababayan, lalo na sa mga mahihirap. Basta Filipino ka, obligado ang gobyerno na bigyan ka ng serbisyong pangkalusugan; hindi magiging isyu ang kapasidad ninyong magbayad––importante lang ay ipinanganak kang Filipino,” paliwanag pa ng abogadong tagapagsalita ng Pangulo.

Ayon sa bersyong ipinasa ng Kamara, ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ay tatawagin nang Philippine Health Security Corp. (PHSC) na pangunahing naatasang tumugon sa pangangailangan sa health insurance ng bansa.

Iniaatas din ng panukala ang pagbuo sa sistema para sa Health Technology Assessment (HTA) at ang pagtatayo sa Health Technology Assessment Council (HTAC).

Ang HTA ay ang pro­seso ng pagsusuri sa mga kagamitang medikal na ginagamit sa pagamutan, kabilang na ang kaligtasan sa paggamit nito at sa bisa ng nasabing mga kagamitan; at ang halaga ng mga ito.

Ayon sa batas, papanatilihin ang kita ng mga pasi­lidad sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health (DOH), na siyang magbibigay ng karapatan sa mga pampublikong ospital na gamitin ang lahat ng kanilang makokolektang kabayaran para sa pagpapabuti ng kanilang serbisyo.

Comments are closed.