RORO TUMAGILID, SUMADSAD: 129 SAKAY NAILIGTAS

ROMBLON- AGAD nailigtas ang 129 na sakay ng isang pampasaherong barko na tumagilid at sumadsad sa Banton Island matapos na salpukin ng malalaking alon nitong Sabado ng gabi sa lalawigang ito.

Sa ibinahaging datos ng Banton Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, nasagip ang 93 pasahero at 36 tripulante sa roro vessel na MV Maria Helena ng Montenegro Shipping Lines.

Ayon sa PCG , dakong alas-10:30 ng Sabado ng gabi nang matanggap nila ang distress call sa Romblon kaya agad silang nagmobilisa at naglunsad ng search and rescue operation.

Base sa inisyal na imbestigasyon , pumutok ang gulong ng isang truck na sakay ng Ro-Ro kaya tumagilid hanggang sa maputol ang tali at magsunuran nang tumagilid ang iba pang mga sasakyan.

Sumadsad umano ang barko at tumagilid pakaliwa may 100 metro malapit sa dalampasigan ng Barangay Nasunugan galing Lucena City, Quezon ang barko at patungo sana sa Tablas Island sa Romblon.

Sa ibinigay na salaysay ng chief mate ng MV Maria Helena na kinilalang si Rey Sargumba, nasa bisinidad pa lang sila ng Dos Hermanas Island ay hinampas na sila ng malalaking alon at tumagilid ang barko kaya tumagilid din ang mga sakay na truck.

Sinubukan pa umano ng mga tripulanteng ayusin ang mga tali ng mga sasakyan. Pero sa lakas ng alon ay hindi na kinaya at naputol na ang mga tali.

Dito umano napilitan ang kapitan na isadsad ang barko sa may dalampasigan para maiwasan ang malaking aksidente.

“Nag-intentional beaching kami kapag nasa laot po kami. Panay pasok na ang tubig sa barko, baka lulubog ‘yong barko, marami madidisgrasya, kaya nag-intentional beaching,” ani Sargumba.

Bandang alas-3 ng madaling araw kahapon ay nailikas sa pamamagitan ng lifeboat ang mga pasahero at kasalukuyang nasa Covered Court ng Barangay Nasunugan. VERLIN RUIZ