ROSARIO HONESTY STORE BUKAS NA SA PUBLIKO

BINUKSAN na sa publiko kahapon ang kauna-unahang “honesty store” sa Cavite na matatagpuan sa Isla Bonita, Rosario.

Ang “Rosario Honesty Store” ay tindahan ng mga pagkaing na karaniwang nakikita sa mga sari-sari store at talipapa.

Ang nasabing honesty store ay pagmamay-ari ni Wilfredo Perlas na kung saan nais na nitong gawin permanente ang kanyang tindahan makaraang masira ang sasakyan nitong kolong-kolong.

“Madalas kasing wala ako sa tindahan ko. Iniiwan ko lang siya, pero pagbalik ko nagugulat na lamang ako na may benta na sa tindahan ko. May pera na sa lagayan ko ng mga benta. Kaya naisip ko na gawin na lamang honesty store ito”, kuwento ni Willy.

Layunin ng honesty store na masubukan ang katapatan ng mga mamimili at masukat ang tunay na ugali nito.

Ika nga, “honesty is the best policy” na siyang totoong konsepto ng tindahang itinayo ni Willy na kahit sa maliit na bagay ay maging honest ang bawa’t isa.

Ang tindahan na ito ay inspired sa honesty store sa Ivana, Batanes.

Aniya, kahit walang nakatingin na ibang tao, ang mamimili ay kukuha ng nais niyang produkto at iiwan ang kabuuang halaga nito bilang bayad.

At kung may sukli man ay malaya siyang kukuha ng eksaktong sukli na walang labis at walang kulang.

At nasa tao na kung magbabayad ba o hindi dahil ang hangarin ng tindahan ni Willy ay maituro at maipalaganap ang kahalagahan ng katapatan ng ugali ng tao.

Ang honesty store na ito ay walang anumang bakod, taliwas sa pangkaraniwang tindahan na puno ng rehas na bakal at wire na may kapirasong butas lamang na kasya ang kamay sa pagbigay ng bayad at sukli.

Umabot sa kabuuang P17,000 ang naging puhunan ni Willy sa honesty store na ito. SID SAMANIEGO