Rosas para kay nanay

Rosas para kay nanay

May nagtatanim kaya ng rosas sa kalangitan?
Kung mayroon, pwede kaya akong bahaginan
kahit iilan?
Mayroon lang sana akong pagbibigyan …
Ang aking inang matagal nang lumisan.

Hindi ko alam kung nais niya ng bulaklak
Dahil minsan ma’y di narinig ang kanyang halakhak
Marahil puso ko’y napuno ng pagpapanggap
Laging sa iba naghahanap ng paglingap.

Matuwa kaya siya sa bango’t halimuyak?
Nariyan lamang siya’t nakasilip sa ulap.
Alam kaya niyang kapag kanyang kaarawan
Sa puntod niya’y may bulaklak at kandilang
kumukutitap.

Oo, hindi niya kailangan ang bulaklak at kandila
Di nito mapapantayan kanyang pag-aaruga.
Kundi man mabayaran ang pagkakautang
Hayaang sa bulaklak ika’y magunam-gunam. (NLVN)