INAASAHANG lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong araw ang Bagyong Rosita kung saan mas nagtagal ito sa Pangasinan at La Union na huling nakataas ang tropical cyclone number 3.
Gayunman, bago lumisan, nagsara ang Dalton pass, Sta. Fe sa Nueva Vizaya nang maitala ang pagguho alas-10:56 ng umaga kahapon bunsod ng malakas na hangin at ulan na dala ng bagyong Rosita.
Puspusan ang clearing operation ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nasabing lugar para makadaan ang mga na-stranded na sasakyan papasok sa Region 2 at palabas patungong Metro Manila.
Pasado alas-5 ng hapon, iniulat naman na bahagyang umaliwalas sa Aurora kung saan muling nagbukas ang mga tindahan.
Sa Echague, Isabela, ilang gas station ang nawasak habang may mga establisimiyento rin ang nasira sa Tuguegarao.
ISABELA ZERO CASUALTY
Zero casualty o walang naitalang nasawi o nasugatan sa Dinapigue, Isabela kung saan nag-landfall ang bagyong Rosita bagaman maraming bahay ang nagtamo ng mga pinsala dahil sa malakas na hangin at ulan na dala ng bagyo.
Sinabi ni Provincial Administrator Noel Lopez na kahit malakas ang hangin at ulan ay zero casualty sa Isabela hanggang ngayon dahil sa maagang paglikas ng mga mamamayan lalo na ang mga residente sa mga coastal towns ng lalawigan.
Nagsasagawa na rin ng assessment ang mga electric cooperative para malaman ang pinsalang dulot ng bagyo sa mga linya ng koryente habang noong Lunes ng gabi ay nawalan ng supply nito.
Sa kabuuan ay umabot sa 4,133 families o 13,614 na individual ang lumikas sa mga evacuation center sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Isabela.
BABALA NG BAGYO
Batay sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nakataas ang tropical cyclone signal number 3 sa Pangasinan at La Union, signal number 2 sa Abra, Ilocos Sur, Benguet, Mt. Province, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Tarlac and Zambales at signal number 1 naman sa Metro Manila, Ilocos Norte, Apayao, Kalinga, Cagayan, Isabela, Quirino, Aurora, Bulacan, Pampanga, Bataan, Rizal, Cavite, Laguna at Batangas.
As of 5PM kahapon, huling namataan ang bagyo sa layong 145 kilometro sa hilagang kanluran ng Dagupan City, Pangasinan habang may lakas ng hangin sa 135 kilometro kada oras at may pagbugsong umaabot sa 190 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
3 DAMS NAGPAKAWALA NG TUBIG
Pitong gates ng Ambuklao Dam ang binuksan sa 3.5 meters habang ang Binga dam naman ay anim na gates ang bukas sa 4.5 meters samantalang bahagyang binuksan lamang ang isang gate ng Magat Dam.
LALAKI NABAGSAKAN NG LIVE WIRE
Isang lalaki na ang inulat na nasawi sa kasagsagan ng bagyo habang nasa kritikal na kalagayan pa rin ang isang rider matapos silang mabagsakan ng isang live wire kahapon ng umaga sa San Clemente, Tarlac.
Kahapon ng umaga, umaabot na sa 2,928 families o 10, 122 katao ang inilikas sa Region 1, 2, 3 at Cordillera Autonomous Region habang sinasalanta ng bagyo ang Mountain Province, La Union at Northern Aurora at Nueva Viscaya at Ifugao. EUNICE C./ VERLIN R.
Comments are closed.