POSIBLENG magkaroon ng rotational brownout sa Metro Manila at ilang lalawigan sa Luzon.
Ito ang abiso kahapon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa pag-iral muli ng yellow at red alert sa Luzon grid.
Maaring magpatupad ng Manual Load Dropping (MLD) sa ilang bahagi ng mga probinsiya ng Cagayan, Quezon at Sorsogon at sa Metro Manila.
Sa pahayag naman ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, maayos na sana ang sitwasyon ng mga planta ngunit muling naapektuhan ang mga ito sa pagyanig ng Magnitude 6.1 na lindol sa Luzon noong Lunes.
Paliwanag pa ni Zaldarriaga na may mga planta ng koryente na naapektuhan ng pagyanig kaya muling numipis ang reserba ng koryente sa Luzon grid.
Nanawagan naman si Zaldarriaga sa publiko na maging matipid sa paggamit ng koryente.
Samantala, naniniwala si Senador Win Gatchalian na liable sa administrative case ang Department of Energy at Energy Regulatory Commission (ERC) dahil sa kapabayaan at kawalan ng aksiyon laban sa mga power producer na pasaway.
Lumabas sa pagdinig na may kapangyarihan ang ERC at DOE na magpataw ng parusa sa mga power producer o mga power plant na hindi susunod sa maintenance schedule subalit walang ginawang aksiyon ang mga naturang ahensya.
Naalala pa ni Gatchalian na noong 2016 ay nagsagawa na rin ito ng pagdinig sa power outrage matapos ang ilang taon naulit na naman ang insidente. VICKY CERVALES