ROTATIONAL BROWNOUTS SA LUZON PINANGANGAMBAHAN SA NAPIPINTONG PAGKAUBOS NG MALAMPAYA GAS FIELD

BROWNOUT

NANGANGAMBA si Senador Win Gatchalian na posibleng manumbalik ang rotational brownouts, lalo na sa kalakhang Luzon, sakaling maubos na ang natural gas na sinusuplay ng Malampaya natural gas field na ginagamit ng ilang planta sa bansa sa nakalipas na mahigit dalawang dekada

Ang Malampaya natural gas field, pangalawang pinakamalaking pinagkukunan ng suplay ng natural gas ng Luzon upang gumawa ng koryente,  ay napipintong maubos sa 2024.

Kaya bago pa man mangyari ito, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 1819 na nagsusulong sa isang “national energy policy and framework for the development and regulation of the midstream natural gas industry’, na layong hikayatin ang mga namumuhunan sa pribadong sektor na palawakin ang merkado na papabor sa mga ordinaryong mamimili.

Kabilang sa midstream natural gas industry ang transportasyon at pag-iimbak ng natural gas o Liquified Natural Gas (LNG). Sakop ng industriya ang mga tanker ship na naghahatid ng natural gas sa mga terminal ng LNG o kaya’y mga imbakan nito sa ibat ibang bahagi ng bansa.

“Kailangan nating magmadali dahil baka magsisi tayo sa huli kung hindi tayo kikilos ngayon pa lang at para na rin maiwasan natin ang rotational brownout pagsapit ng 2024 sakaling wala na tayong mapagkunan na suplay mula sa Malampaya gas field,” ani Gatchalian.

Inihalintulad ng senador ang senaryo sa naranasang krisis sa koryente noong 1990s kung saan ang buong Metro Manila at kalapit na mga probinsya ay dumanas ng arawang brownout na hindi bababa sa apat na oras dahil sa kawalan ng suplay ng koryente.

“Ang pagkakaroon ng Midstream Natural Gas Industry Development Act ay mag-uudyok ng mga  mamumuhunan sa industriya nang sa gayon ay  makaaasa  tayo ng sapat na suplay ng koryente sa murang halaga,” paliwanag ni Gatchalian.

Sa mga nakaraang taon, dumarami na ang local at foreign companies na nagpahayag ng interes na magtayo ng integrated LNG facilities sa bansa.   VICKY CERVALES

Comments are closed.