BUBUKSAN nina Senador Francis “Tol” Tolentino, Philippine Sports Commission (PSC) Chief Richard Bachmann, at Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera III ang pagtuklas ng mga atleta sa hanay ng kabataang militar sa kauna-unahang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Games na sisimulan Linggo ng hapon sa Iloilo City.
Inaasahan din ang pagdalo nina Department of National Defense (DND) Sec. Gilberto “Gibo” Teorodo at Gen Romeo S. Brawner Jr., Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, sa torneo na kinonsepto ng CHED, katuwang ang PSC, AFP at si Tolentino.
Ang programa ay magbibigay ng pagkakataon sa mga kadete sa ROTC na maging bahagi ng pambansang koponan na sasabak sa Olympic-level sporting events at international competitions.
Gaganapin ang mga kompetisyon simula ngayong Agosto 13 hanggang 19 sa Iloilo City para sa Visayas, susundan ito sa Agosto 27 hanggang Setyembre 2 sa Zamboanga City na Mindanao leg bago ang Setyembre 27 hanggang 23 sa Cavite para sa Southern Luzon leg.
Isasagawa ang panghuli na regional qualifying leg sa NCR bago ang pagsasama-sama ng mga itinanghal na kampeon sa National Championships.
Mahigit sa 500 kadete ang kumpirmadong lalahok sa pitong sports na paglalabanan sa Iloilo City na kinabibilangan ng athletics, arnis, basketball, boxing, esports, kickboxing at volleyball.
Kabilang din sa paglalabanan sa ROTC Games ang swimming, weightlifting, target shooting, at demonstration sports.
“Ang 2023 Philippine ROTC Games ay hudyat ng pagsisimula ng paghahanap para sa kabataang Pilipinong atleta na hindi lamang maghuhusay sa palakasan kundi higit sa lahat, ipakita sa mundo na ang Pilipino ay may pusong kampeon,” sabi ni Tolentino, isang Brigadier General (reserve) sa Philippine Army.
Ang ROTC Games, ayon sa CHED, ay naglalayong isulong ang pagbuo ng mga programa sa palakasan, at pisikal na edukasyon, pagyamanin ang disiplina sa sarili, pagtutulungan ng magkakasama, at kahusayan, at sanayin ang mga batang atleta para sa mga internasyonal na kompetisyon.
Nilalayon din nito na “makamit ang isang karaniwang layunin” ng pagbuo ng mga programang pang-sports para sa mga kabataan.
Sinabi ni De Vera na ang mga laro ay magbibigay inspirasyon sa tamang disiplina sa sarili, pagtutulungan ng magkakasama, at kahusayan, pati na rin ang palakasin ang pagbuo ng mga programa sa palakasan at pisikal na edukasyon.
Ihahanda rin ng ROTC Games ang mga batang atleta para sa mga internasyonal na torneo at makamit ang ibinahaging layunin na lumikha ng mga grassroots sports program para sa mga kabataan.
“Ang ROTC ay hindi lamang nagpapakilos sa mga kabataang Pilipino sa panahon ng kapayapaan at digmaan, ngunit kailangan din nitong makabuo ng mga indibidwal na malusog at malusog,” sabi ni De Vera.
-CLYDE MARIANO