ROTC GAMES NATIONAL CHAMPIONSHIPS HANDA NA

HANDANG-HANDA na ang halos 800 cadet-athletes na sumabak sa 2023 Philippine Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games National Champion- ships sa Oktubre 22 hanggang 28 sa ilang venues sa Metro Manila. 

Mag-aagawan sa gold medal ang mga finalist ng Philippine Army, Philippine Air Force at Philippine Navy sa boxing, kickboxing, athletics, basketball 3×3, arnis at e-sports.

Sa ROTC Games National Championships ay papagitna ang mga nagwagi sa idinaos na regional legs.

Ito ay sa Visayas Leg sa Iloilo City noong Agosto 13 hanggang 19, sa Mindanao Leg sa Zamboanga City noong Agosto 27 hanggang Setyembre 2, sa Luzon Leg sa Cavite noong Setyembre 17 hanggang 23 at sa National Capital Region (NCR) Leg sa Manila noong Oktubre 7 hanggang 17.

“Lahat ng mga magagaling (sa regional legs) maglalaro dito (sa National Championships). Pati iyong sa boxing, pati iyong sa e-sports,” sabi ni Sen. Francisco ‘Tol’ Tolentino na siyang bumuo ng konsepto ng ROTC Games.

May inihahanda na rin siyang cash incentives para sa mga magiging gold medalist.

“Mayroon din iyan, pero hindi pa natin sasabihin. Kaya magiging exciting itong mga susunod na araw,” dagdag pa ng chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights.

Samantala, nakatakdang koronahan ngayong hapon ang Miss ROTC Philippines sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

“Ang gaganda nitong mga ito at matatalino pa.

So lahat po sila ay naghahanda para magkaroon tayo ng mas magandang Miss ROTC Games,” dagdag ni Tolentino sa 24 kandidata na nagwagi sa mga regional leg.

Sa Cuneta Astrodome din gagawin ang opening ceremonies bukas ng hapon.

“Maraming participants gaya ng ROTC NCR Leg. May mga cheerleading exhibition, arnis, pero ngayon ang balita ko actual game na eh.Immediately after the opening, actual games na ng volleyball,” wika ng senador.

CLYDE MARIANO