ISANG simpleng opening ceremony ang inihanda para sa 2023 Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Games National Championships ngayong hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nakalinya sa alas-3 ng hapon ang cheerleading exhibition at cultural performance sa pagbubukas ng kompetisyon para sa mga cadet-athletes ng Philippine Army, Philippine Air Force at Philippine Navy.
Matapos ang Parade of Colors at Entrance of Delegates ay papagitna ang PMC Marine and Bugle Team kasunod ang NU Dance Company at UP Filipiniana Dant Group.
Si Pasay City Mayor Emy Calixto ang magbibigay ng welcome remarks, habang si Sen. Francis ‘Tol’ Tolentino ang magbabahagi ng inspirational message.
Inaasahan ding dadalo sina Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richard Bachmann, Commission on Higher Education (CHED) chairman Prospero de Vera III, at Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro.
Humigit-kumulang sa 800 gold at silver medalists mula sa mga qualifying legs ng ROTC Games sa Visayas (Iloilo), Mindanao (Zamboanga), Luzon (Cavite) at National Capital Region (Manila) ang mag-aagawan sa karangalan.
Nakalinya ang mga events na arnis, athletics, basketball, boxing, kickboxing, volleyball at e-sports, na ayon kay Tolentino ay posibleng lumobo sa 10 sa susunod na taon.
Matapos ang seremonya ay papagitna ang salpukan ng Rizal Technological University (RTU) ng Army at Philippine State College of Aeronautics (PHILSCA) ng Air Force sa alas-6 ng gabi.
Magpapatuloy bukas ang mga aksyon sa volleyball sa RMSC Basketball Coliseum kasabay ng athletics sa Philsports Track Oval sa Pasig City at ang boxing at kickboxing sa Dacudao Court sa RMSC.
Sa Martes naman hahataw ang arnis sa RMSC Badminton Hall at ang e-sports via online.
CLYDE MARIANO