ROTC GAMES: SAM, BAGAWISAN WAGI NG GINTO SA ARNIS

ZAMBOANGA CITY – Binigyang karangalan ni Walter Sam. Jr. ng Iligan City ang kanyang sundalong ama habang sinimulan ni Mary Fe Bagawisan ng Jose Rizal Memorial State University – Dipolog na maabot ang kanyang pangarap sa pagwawagi ng gintong medalya sa arnis sa ginaganap dito na Philippine Reserve Officers’ Training Corps Games (PRG).

Inialay ng 20-anyos na si Sam, na 2nd year Physical Education student sa Iligan Institute of Technology, ang napanalunang ginto sa kanyang ama na miyembro ng Philippine Army sa Anyo Solo Baston Single Weapon Non-Combat competition sa loob ng Western Mindanao State University (WMSU).

“Masayang-ma­saya po ako napanalunan ko ang una kong ginto dito sa ROTC Games,” sabi ni Sam, na nakalahok na sa internasyonal na torneo ng World Eskrima Kali Arnis Federation kung saan nanalo ito ng pilak sa sparring, pati sa single weapon sa form competition sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Naitala ni Sam ang kabuuang 8.833 iskor para masungkit ang ginto. Nakatakda rin siyang sumabak sa combat o sparring competition sa lightweight category para sa asam na ikalawang ginto.

Hindi naman nagpaiwan ang 20-anyos na si Bagawisan na 2nd year sa Criminology course sa Jose Rizal Memorial State College at nagnanais na maging Policewoman Investigator sa pagbibigay sa Army ng gintong medalya sa women’s Non-Traditional Competition o Anyo single weapon event.

Naitala rin ni Bagawisan ang kabuuang 8.833 iskor upang talunin ang walong iba pang kalahok mula sa Army at kunin ang una rin nitong gintong medalya sa isang national event.

“Gusto ko rin pong maging national athlete,” sabi ni Bagawisan, na nagsimula lamang mag-aral ng arnis noong Grade 8.

Asam din ni Bagawisan na maiuwi ang ikalawang ginto sa pagsabak nito sa combat o sparring category ng torneo na pinamamahalaan mismo ni Philippine Eskrima Kali Arnis Federation (PEKAF) Secretary General Gerard Canete.

-CLYDE MARIANO