ROTC GAMES: SCTSI PINATAOB ANG CAPSU SA VOLLEYBALL OPENER

Hinarang ni MJ Delamus ng CAPSU ang bola laban sa manlalaro ng SCSIT sa opening day ng 2023 Reserved Officers’ Training Corp. (ROTC) Games kahapon sa University of San Agustin gym sa Iloilo City.

 

ILOILO CITY – Mainit na sinimulan ng Salazar Colleges of Science and Institute of Technology ng Cebu ang kanilang kampanya nang walisin ang Capiz State University, 25-9, 25-10, 25-10, sa opening day ng 2023 Reserved Officers’ Training Corp. (ROTC) Games sa University of San Agustin gymnasium dito kahapon.

Magaan na dinispatsa ng SCTSI ang Capiz female cadets kung saan tinapos nito ang laro sa loob lamang ng isang oras sa tatlong sets.

Napansin ni SCTSI coach Ray Vincent Sanoria na pressured ang koponan at halatang naninibago sa mas malaking venue.

“We do not know how they (Capiz State University) play. But we just played our best game. Medyo kinakabahan pa mga players ko since this is the first time na naglaro kami sa ganitong klaseng venue,” sabi ni Sanoria.

“Hindi ko pa masabi ang chances namin kasi 8 teams kami sa pool and I’m sure may magagaling na teams diyan,” dagdag pa niya.

Hangad ni team captain Ronamae Capuras, na pinangunahan ang Talisay-based squad sa kanyang 14 points, na maraming matutunan ang kanyang koponan sa torneo.

“Mas gagalingan pa po namin at [mas] prepare po kami [rito sa] palaro. ‘Yung teamwork namin po na mas lalong gagana at [umaasa] po kaming marami pa kaming matutunan,” sabi ni Caturas.

Ibinahagi ni Capuras ang kanyang inspirasyon sa kung paano siya nagsimulang maglaro ng volleyball.

“Kasi nakikita ko dito ‘yung passion ko at ‘yung mga kapatid ko kasi naglalaro at ginagaya ko [sila] na naghahangad din na makaabot sa next level ng laro.”

-CLYDE MARIANO