ROUND 2 NG FUEL TAX HIKE PARA SA BAGONG STOCKS LANG – DOE

DOE-FUEL TAX.jpg

IPATUTUPAD lamang ang ikalawang bugso ng pagtaas sa fuel excise taxes sa  bagong stocks na inaasahang ipagbibili simula sa Enero 15, 2019, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sa panayam sa radyo, sinabi ni Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella na yaong mga lumang hawak-hawak na paninda ng mga kompanya ng langis ay  hindi naman pinatawan ng excise tax kaya hindi dapat tumaas ang presyo nito.

Ayon kay Fuentebella, mahigpit na babantayan ang bagong stocks upang matiyak ang tamang implemen­tasyon ng dagdag na buwis na inaasahang sisingilin naman ng mga kompanya ng langis sa mga consumer.

“Kung medyo naagahan po ang singil nila, mas madali nating mahuhuli iyan,” ani Fuentebella.

Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) ay tataas ang excise tax kada taon sa loob ng tatlong taon simula Enero 1, 2018 kung saan ang excise tax sa diesel ay tumaas ng P2.50 kada litro, P1 sa kada kilo ng LPG, at P2.65 sa kada litro ng  regular at unleaded gasoline.

Nakasaad din sa batas na simula sa 2019, ang excise taxes para sa diesel ay tataasan ng P4.50 at ang gasolina ng P9.00 sa ilalim ng second tranche.

Comments are closed.