ROXAS BLVD. ISASARA NG 3 BUWAN

UMAPELA si Metropolitan Manila Development Autho­rity (MMDA) Chairman  Benhur Abalos para sa pang-unawa ng publiko para sa abalang idudulot ng pagsasara ng  southbound lane ng Roxas Boulevard  sa lalong madaling panahon sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan upang bigyang-daan ang mga gawaing rehabilitasyon.

Inihayag  ng MMDA na isasara ang southbound portion ng Roxas Boulevard para bigyang-daan ang Department of Public Works and Highways (DWPH) na ayusin ang nasirang drainage structure sa harap ng Liber­tad pumping station sa Pasay.

Ininspeksyon na ni Abalos ang Manila International Container Terminal (MICT) sa Tondo bilang paghahanda sa pagsasara ng kalsada.

Sinabi ni Abalos na nakipagpulong siya sa mga opisyal ng DPWH, Department of Transportation, Philippine Ports Authority at International Container Terminal Services Inc. upang pag-usapan ang mga praktikal na solusyon at maghanap ng mga alternatibong ruta para sa mga trak at trailer, na maaapektuhan ng pagsasara ng kalsada.

“Isa sa mga posibleng solusyon na tinitingnan natin ay ang mga shipping container na isakay sa mga barge at ihahatid mula sa MICT papunta sa Cavite Gateway Terminal sa Barangay Tanza,” ani Abalos.

Pinag-aaralan na rin ang lahat ng mga opsyon para maibsan ang traffic gridlocks na bubuo nito, dagdag ni Abalos.

Sinabi ng MMDA na hindi pa nila matukoy kung ang isang bahagi ng southbound na direksyon ng Roxas Boulevard sa harap ng HK Sun Plaza ay ganap o bahagyang sarado sa trapiko ng sasakyan.