VINDICATED si RS Francisco dahil nominated siya bilang best actor para sa pelikulang “Bhoy Intsik” sa ika-41 na edisyon ng Urian.
Inisnab kasi ng Famas ang kanyang performance para sa nasabing pelikula ni Joel Lamangan pagkatapos niyang manalo ng best actor sa Star Awards for Movies noong nakaraang taon.
Magiging mabigat na katunggali niya sina Empoy Marquez ng “Kita Kita”, Abra ng “Respeto”, Nonie Buencamino ng “Smaller and Smaller Circles”, Timothy Castillo ng “Neomanila”, Noel Comia, Jr. ng “Kiko Boksingero”, Allen Dizon ng “Bomba”, Jojit Lorenzo ng “Changing Partners” , Sandino Martin ng “Changing Partners” at Justine Samson ng “Balangiga:Howling Wilderness”.
Ayon pa kay RS, sobra siyang flattered sa kanyang naging nominasyon.
“Urian iyan. Ang mapabilang ka at mapansin ng isang prestigious award-giving body ay isa nang napakalaking karangalan,” aniya.
Hindi naman nag-e-expect si RS na mananalo ng award.
“Malaking bonus na sa akin iyong mapansin ako ng Manunuri. Kahit naman sinong artista, pangarap na magkaroon ng Urian. Parang height na iyan ng acting career mo,” hirit niya. “Kung ibibigay siya sa akin, I would consider it as a great blessing,” dugtong niya.
Nakatakdang buhaying muli ni Raymond ang papel ni Song Liling sa stageplay na Madame Butterfly, kung saan napansin ang kanyang galing.
Ang nasabing stage play ay ire-revive ngayong Setyembre kung saan magiging collaborator niya ang award-winning director na si Kanakan Balintagos aka Auraeus Solito.
Huling ginampanan ni RS ang nasabing role noong 1990 sa produksiyon ng Dulaang Unibersidad ng Pilipinas, kung saan nakasama niya ang namayapang stage actor na si Behn Cervantes.
VG DANIEL FERNANDO GUSTONG TULARAN SI ATE VI
PASSION talaga ni Bulacan Vice Governor ang pag-aartista kaya kung may pagkakataon, kapag may offer siya sa TV at pelikula ay lagi niya itong ikinukonsidera.
“Puwede naman ako, basta depende sa iskedyul. Kasi love ko talaga ang acting at gusto ko iyong napaglalaruan ko ang iba’t ibang roles,” aniya.
Gayunpaman, hindi naman niya ikinaila na tinanggihan niya ang offer sa kanya to do a follow up teleserye after “Ikaw Lang ang Iibigin” at ilang offers sa indie movies.
“Mas pokus kasi ako ngayon sa politika. Hindi ko tinanggap dahil mahirap ang schedule ko ngayon. Baka lang maantala o maapektuhan ang produksiyon, nakakahiya naman sa mga kasama ko, lalo na’t papasok na ang election ban,” hirit niya.
Busy rin si Daniel sa iba’t ibang proyekto niya sa kanyang mga constituents sa Bulacan at hindi niya itinanggi na kakandidato siya sa mas mataas na posisyon sa 2019 national elections.
“Kaya nga gusto ko ring kumandidato, gusto kong ipagpatuloy iyong mga proyektong nasimulan ko na like iyong mga livelihood projects namin dito sa Bulacan. Noong birthday ko nga noong Mayo 11, hindi regalo ang hiningi ko sa mga kababayan ko kundi dugo kasi nagkaroon kami ng blood-letting project,” kuwento niya.
Wala namang masamang nakikita si Daniel sa paglabas bilang kontrabida sa pelikula at telebisyon pero hiling niya na sa mga susunod na proyekto niya ay mabait naman siya.
“Iyon din kasi ang sinasabi ng mga constituents ko na sana sa mga susunod na proyekto ko, mabait naman ako. Pero, okey lang naman ako sa pagiging kontrabida kasi doon ako nagmarka at na-recognize ng PMPC at Gawad Amerika. Iyon ngang tinanggihan ko, dapat ako iyong isa sa mga main kontrabida na napunta kay Tirso (Cruz III),” pagwawakas niya.
Comments are closed.