RSA UNANG PINOY SA BLOOMBERG 50 GLOBAL ICONS AT INNOVATORS

PASOK si Ramon S. Ang, president and chief operating officer ng conglomerate San Miguel Corporation (SMC), sa Bloomberg 50, isang elite annual list ng top global innovators, entrepreneurs, at leaders na bumago sa global business landscape.

Si RSA ang unang Pinoy na nakapasok sa nasabing listahan.

Isang unranked list, ang Bloomberg 50 ay kumakatawan sa most influential thought-leaders sa business, entertainment, politics, finance, fashion, at science and technology, na ang accomplishments ay kapuri-puri.

“It’s a great honor, and I’m grateful to Bloomberg for taking note of our work and the developments here in the Philippines,” pahayag ni Ang. “I hope this helps to showcase the many great and positive things happening in our country.”

Si Ang ay sinamahan sa listahan nina Warner Media News and Sports Chairman and CNN President Jeff Zucker, TV host Jon Stewart, pop star Rihanna, Shopify CEO Tobias Lutke, Glaxosmithkline CEO Emma Walmsley, Marvel Studios president Kevin Fiege, American gymnast Simone Biles, Walmart CEO Doug McMillon, Disney International Chairman Kevin Mayer, celebrity and Kylie Cosmetics CEO Kylie Jenner, climate activist Greta Thunberg, at iba pa.

Sa nakalipas na dekada, pinamahalaan ni Ang ang malawakang diversification at transformation ng mahigit 100 taong San Miguel mula sa beer, food, spirits at packaging company na may market leading positions, sa isang diversified conglomerate na may interest sa mga industriya na mahalaga sa paglago ng ekonomiya ng Filipinas: Food and Beverage, Oil and Fuels, Power, Infrastructure, Banking.

Ang SMC ay isa sa pinakamalaking kompanya sa bansa pagdating sa revenues at profits. Noong 2018, ang kita nito ay umabot sa P1 trillion, katumbas ng 5.9% ng gross domestic product (GDP) ng bansa.

Ang SMC, sa ilalim ni Ang, ay nangangasiwa at nagpapatayo rin sa ilan sa pinakamalalaking infrastructure projects ng bansa.

Ang operating expressways nito ay kinabibilangan ng South Luzon Expressway (SLEX), Skyway 1 at 2, Southern Tagalog Arterial Road (STAR), NAIA Expressway (NAIAX), at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX).

Itinatayo rin ng kompanya ang Skyway Stage 3, na magkokonekta sa SLEX at Skyway 1 at 2 sa Northern Luzon Expressway mula Buendia, Makati; Skyway Stage 4, mula Skyway FTI, Parañaque City sa Batasan Complex sa Quezon City at sa San Jose del Monte, Bulacan, at Skyway Extension mula Alabang sa SLEX Susana Heights.

Ang pinakamalaki at pinakaambisyosong upcoming project ng SMC ay ang New Manila International Airport project sa lalawigan ng Bulacan.

Nagkakahalaga ng US$15 billion, ito ang ­single largest investment ng kompanya sa kasalukuyan, at ang pinakamalaki sa bansa. Ang bagong airport ang magiging pinakamodernong paliparan sa Filipinas.

Itatayo sa 2,500-hectare facility, magkakaroon ito ng apat na runways, na maaaring itaas sa anim, at world-class facilities na inaasahang magpapalakas sa competitiveness ng bansa bilang investment at tourism destination.