BULACAN- NAANTALA nang halos dalawang oras bago nakapasok ng mga opisina ang mga kawani ng Bulacan Regional Trail Court matapos bulabugin ng bomb threat via text messege kahapon ng umaga sa Malolos City.
Dakong alas-8:20 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang mga tauhan ng Bulacan Explosive Ordinance Disposal Unit na agad nirespondehan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) kasama ang isang K9 dog.
Nabatid ni isang alyas Ann at alyas Dante ng Branch 81 na tauhan ni Executive Judge Hermenegildo Dumlao-ll ang umano’y nakatanggap ng mensahe, kung saan nakasaad dito ang mga salitang “napalaya sa regional trail court ng Malolos ng kriminal/mandarambong, dahil dyan pasasabugin namin ang isang bomba sa isang korte.”
Agad ginalugad ang loob at labas ng regional trial court sa pamumuno ni Maj. John Paul Sanguyo Chief ng EOD/K9.
Nabatid na isang kahina-hinalang bag ang nakita sa branch 19 na agad din nirespondehan kung saan naglalaman lamang ito ng internal memory.
Kasunod nito, maraming hearing sa korte ang muling na-reset sa darating na Biyernes dahil sa pangyayari.
Samantala, muling umapela ang mga awtoridad na maging mapagmatyag at listo sa paligid upang matiyak ang kaligtasan. THONY ARCENAL