INDANG, Cavite — Patuloy ang dominasyon ng Rizal Technological University-Boni sa arnis event ng 2nd Philippine Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games Luzon NCR Leg kahapon sa Cavite State University (CvSU).
Apat na gintong medalya sa women’s full contact padded stick ang idinagdag nina Bobbelle Abelis sa featherweight, Ashley Joy Rico sa lightweight, Joana Erica Dela Cruz sa welterweight at Ren Ren Reyes sa men’s welterweight sa Philippine Army bracket.
Nauna nang nagwagi sina Maria Mae Ballester at Henry Soriano sa women’s at men’s non-traditional single weapon, ayon sa pagkakasunod, sa ROTC Games na orihinal na konsepto ni Sen. Francis Tolentino.
Tatlong ginto ang sinikwat ng Philippine Merchant Marine Academy sa Navy unit sa women’s full contact padded stick mula kina Eunice Bucalen sa featherweight, Grace Lina Fuentes sa lightweight, at Isabela Beatrice Burac sa welterweight.
Sa Air Force branch, humataw ng tig-dalawang ginto ang Philippine State College of Aeronautics at Tanauan Institute Inc sa men’s full contact padded stick sa event na itinataguyod ng Department of National Defense, Commission on Higher Education at Philippine Sports Commission.
Sa shooting RESCOM Camp Riego sa Tanza, ibinulsa nina Danielle Benjamina Cruz at Dexter Blinda Cruz ng De La Salle University ang gold at silver medal sa Navy sa kanilang mga total score na 272 at 267, ayon sa pagkakasunod.
Sa taekwondo sa Tolentino Sports Complex and Activity Center, kumolekta ang Philippine Maritime Academy ng limang ginto sa Navy.
Apat na gold medals naman ang kinolekta ng WCC Aeronautical Technological College sa Air Force, samantalang may tatlo ang RTU-Boni sa Army.
Sa chess sa Rolle Hall ng CvSU, nagsulong ng ginto si Vincent Bine ng Olivarez College sa men’s standard sa Army at sina Ezekiel Marino ng Enverga University Foundation sa Navy at Ralph Lawrence Hornilla sa Air Force.
Sa women’s standard, panalo sina Jasmine Grace Beliber ng Central Bicol sa Army, Francois Marie Magpily ng La Salle sa Navy at Lyra Marie Metrillo ng PSCA sa Air Force.
Ang lahat ng gold at silver medalists sa Luzon, Visayas at Mindanao legs ay sasalang sa ROTC Games National Finals sa Agosto 18-24 sa Indang, Cavite. CLYDE MARIANO