HINA-HUNTING na ngayon ng Caloocan City Police Police Station (CCPS) ang suspek na rumatrat at naghagis ng granada sa tanggapan ng Northern Police District-Drug Enforcement Unit (NPD-DEU) sa Dagat-Dagatam Avenue nitong Sabado ng madaling araw.
Tumanggi muna si Col. Ruben Lacuesta hepe ng Caloocan Police na tukuyin ang suspek dahil subject of manhunt na ito ngayon.
Base sa report, tumakas patungo sa direksyong Pampano St. ang suspek matapos paputukan at hagisan ng granada ang harap ng opisina ng DEU sa Langaray St., Barangay 14, Dagat-Dagatan Ave., bandang ala-1:45 nang madaling-araw.
Narekober ng mga tauhan ng Explosive Ordinance Division (EOD) sa lugar ang tatlong naiputok na bala, slug at metallic fragment mula sa sumabog na MK-2 hand grenade.
May nakita ring mga butas sa pinto ng DEU at ibabaw ng kotseng nakaparada sa tapat nito.
Sinabi ni Lacuesta na sinisilip nila ang anggulong paghihiganti sa inilunsad nilang kampanya laban sa droga bilang motibo ng krimen.
Ayon kay NPD director BGen. Ponce Rogelio Peñones Jr., tatlong lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo ang rumatrat at naghagis ng granada sa lugar.
“It was not their intention to inflict casualties since they knew there were only a few people in that office at the time of the attack. This is clearly a form of intimidation from drug personalities in retaliation for our intensified operations,”ayon kay Peñones.
Wala namang nasaktan sa insidente pero nagdulot ng pangamba sa mga residente ang pangyayari. VICK TANES