NAGPAHAYAG ng kahandaan ang Russia na tumulong sa Filipinas upang lalong mapalakas ang defense capability nito at pagsasaliksik sa larangan ng business cooperation tulad ng pharmaceuticals, aviation at railways.
Sa ginanap na press conference kahapon ng tanghali sa Russian Ambassador’s Residence sa Makati City, sinabi ni Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev na maraming kasunduan ang nakatakdang lagdaan sa pagitan ng Filipinas at Russia sa gagawing pagbisita sa Moscow ni Pangulong Rodrigo Duterte mula Oktubre 1-5.
Tumanggi si Khovaev na sabihin ang bilang ng nga kasunduan na bagama’t sa iba’t ibang sektor na lalo pang magpapalakas sa kooperasyon ng dalawang bansa.
Hindi kinumpirma ng opisyal kung may kinalaman ito sa defense o military cooperation, subalit tiniyak niyang ang kanilang bansa ay handa at agarang aayuda sa Filipinas para mapalakas ang defense capability nito.
Ayon pa sa ambassador, maraming sophisticated weapons ang Russia at posibleng magsagawa rin ng joint drills sa mga Filipinong sundalo.
Nakatakdang magkaroon ng bilateral meeting sa Sochi sina Pangulong Duterte at Russian President Vladimir Putin.
Una nang bumisita si Pangulong Duterte sa Russia noong Mayo 2017 subalit agad ding nagbalik ng Filipinas bunsod ng Marawi siege.
Sinabi naman ni Aleksey Gruzdev, Deputy Minister of Industry and Trade ng Russia na mag-explore ng mga bagong possibili-ties at diversified trade sa Filipinas.
Si Gruzdev kasama ang iba pang mga Russian businessmen ay nasa bansa para sa dalawang araw na pagbisita at posibleng pamumuhunan sa bansa.
Nais ng delegasyon na mapalawak pa ang pagnenegosyo sa bansa sa areas ng pharmaceutical, transport at aviation, infrastructure at energy.
Ayon kay Gruzdev ang Russia ay producer ng aircraft, kabilang na ang mga fly ambulance at marami pang klase ng helicopters gayundin ang shipbuilding.
Malaki aniya ang maitutulong ng Moscow sa “Build, Build, Build” program partikulat sa rail sector projects ng bansa.
Sa kasalukuyan, ang exports ng Russia sa Filipinas ay kinabibilangan ng mineral products, tulad ng oil at gas; metals at metal products; at maging mga agricultural products.
Kasabay nito ay inimbitahan din ni Khovaev ang mga Filipino na bumisita sa St. Petersburg at mga karatig rehiyon nito sa sandaling maipatupad ang free electronic visa na sisimulan sa Oktubre 1.
Ayon kay Khovaev ang free e-visa ay valid lamang sa loob ng maximum na walong araw na biyahe. EVELYN QUIROZ