RUSSIAN HELI ACQUISITION BINUHAY NG DND

MULING binuhay ng Department of National Defense (DND) ang mutual consultation board na makikipagnegosasyon sa Sovtechnoexport, Russian supplier sa MI-17 Helicopter acquisition project ng ahensiya.

Ayon kay DND Spokesperson Arsenio Andolong, ito ay matapos lagdaan ni dating DND Secretary Delfin Lorenzana ang termination letter at pagsilbi ng ng Contract Termination and Review Committee ng formal notice sa Russia ng pagkansela ng Pilipinas sa naturang kontrata.

Sinabi ni Andolong na nagkaroon na ng serye ng pagpapalitan ng komunikasyon ang DND sa Sovtechnoexport alinsunod sa prosesong itinatakda ng Republic Act No. 9184.

Aniya, magbibigay ang Russian Embassy sa DND ng updates sa pag-uusap ng magkabilang panig.

Matatandaan na nitong nakaraang linggo, sinabi ni Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov na wala pang natatanggap ang kanilang panig na pormal na abiso na kanselado na ang kontrata.

Dagdag ni Andolong na ang pagkansela ng Pilipinas sa naturang kontrata ay hindi kumakatawan sa kabuuan ng bilateral relations ng Pilipinas at Russia. EUNICE CELARIO