DALAWANG uri ng anti-COVID 19 vaccines lang ang posibleng ibakuna kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“It’s either from Russia or from China,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Sa press briefing kahapon inihayag ni Roque na dati nang nabanggit ng Pangulo na nais niyang mabakunahan na at hindi na mahalaga kung saan gawa basta epektibo at ligtas.
Sinabi rin ng Pangulo sa isang Mensahe sa Bayan na kung takot magpabakuna, kahit siya na mauna upang mapawi ang agam-agam ng publiko.
“The President said that he would want to be immediately vaccinated in order to show to the public how safe the vaccine is,” ayon kay Roque.
Ginawa ni Roque ang pahayag makaraang iulat ng Department of Health na kayang kumuha ng Filipinas ng 25 million doses ng Sinovac mula sa China at 50,000 doses nito ay parating na sa Pebrero.
“He (Duterte) wants Chinese or Russian. He was asking if it could be both. I think not. So, the President needs to choose between Chinese and Russian vaccine. But since Chinese (vaccine) will come first, he may prioritize the Chinese,” tugon ni Roque sa tanong na papayagan ba ang Sinovac na magamit sa kanya. EVELYN QUIROZ
PH LUMAGDA SA 30-M DOSES NG INDIAN C19 VACCINE
MAY parating na namang 30-million doses ng COVID-19 vaccine supply matapos lumagda ang gobyerno sa ikalawang kasunduan para rito.
Sa report ng Faberco Life Sciences Inc., kumpirmadong pumirma ng “term sheet” ang gobyerno para sa 30-million doses ng bakunang dinevelop ng Serum Institute of India (SII).
Partner ng SII ang Faberco ay sa paggawa ng bakuna sa Filipinas, habang katuwang naman ng Serum Institute ang US-based biotechnology Novavax sa pag-develop at commercialization ng Covovax vaccine.
Ayon kay Faberco founder Kishore Hemlani, maganda itong simula sa pagitan ng India at Filipinas.
Sinabi ng Faberco medical director Dr. Luningning Villa, target nilang ibahagi sa 15-million mahihirap at vulnerable na mga Filipino ang bakunang kasunduan.
Madali rin umanong imbakin ang Covovax dahil stable ito sa 2°C to 8°C, the standard temperature na kayang kaya ng Pilipinas.
Kaya umano itong dalhin kahit sa malalayong barangay na walang alalahanin.
Kasalukuyang inaayos ang clinical trial Phase III ng Covovax sa United Kingdom, na may 15,000 participants; at United States at Mexico, na may 30,000 participants.
Unang tinesting ang Covovax sa Australia, South Africa at India, at tiyak umanong dumaan ito sa matinding evaluation bago ipagamit sa tao.
Itinuturing na pinaka-malaking vaccine manufacturer sa buong mundo ang Serum Institute of India, na gumawa na rin noon ng bakuna laban sa polio, rotavirus, at pneumococcal.
Unang lumagda ng “tripartite agreement”‘ ang pamahalaan at private sector sa AstraZeneca para sa 2.6-million dose ng bakuna.
Nitong Linggo, January 9, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na pumirma na rin ng kasunduan ang gobyerno para sa 25-million doses ng COVID-19 vaccine na gawa naman Sinovac, isang Chinese biopharmaceutical company. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.