IPINATAPON pabalik sa kanilang bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Russian national na wanted ng mga awtoridad dahil sa large scale fraud.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang wanted na si Anton Likharev, 39-anyos na isinakay sa Ethihad Airways pabalik sa Moscow.
Sinundo si Likharev ng dalawang Russian police sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nag-escort sa kanyang biyahe.
Inabot ng tatlong taon bago sinundo si Likharev na nakakulong sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, dahil sa ilang dokumento at clearances para sa kanyang deportation.
Siya ay inaresto noon pang Marso 2019 nang tinangka nitong i-extend ang kanyang tourist visa sa BI main Bldg. sa Intramuros, Manila matapos na nadiskubre na ang kanyang pangalan ay nasa BI’s wanted list of undesirable aliens.
Kinasuhan ng mga awtoridad ng Russia si Likharev sa kasong paglabag sa Article 159, part 4 ng Criminal Code of the Russian Federation.
Matatandaan na laman din siya ng balita noong 2017 dahil sa paglabag sa Fisheries Code of the Philippines at municipal ordinance matapos siyang pumatay ng isang green sea turtle with a spear sa Dauin, Negros Oriental. PAUL ROLDAN