S. KOREA AAYUDA SA PH INFRA

philippine infrastructure

INIULAT ng Department of Finance (DOF) na humingi ang bansa sa South Korea ng funding support at expertise sa pagpapatupad ng big-ticket infrastructure at information technology (IT) projects nito.

Sa kanyang pakikipagpulong kay Korean Ambassador Han Dong-Man, umaasa si  Finance Secretary Carlos G. Dominguez III  na may anim na Philippine projects ang makatatanggap ng financing support mula sa Export-Import Bank of Korea-Economic Development Cooperation Fund (KEXIM-EDCF) sa ilalim ng Framework Arrangement na sinelyuhan sa pagitan ng dalawang bansa noong Mayo 4.

Sa ilalim ng kasunduan, ang Pilipinas ay maaaring maka-access sa loan facility ng Korea sa ilalim ng EDCF ng hanggang hindi hihigit sa $1 billion sa loob ng limang taon hanggang sa 2022.

Kabilang sa mga proyekto na ipinanukala sa ilalim ng Framework Arrangement ay ang New Cebu International Container Port Project na may tinatayang loan amount na $172.64 million, kung saan umaasa ang finance chief na mapipirmahan ang loan agreement sa unang linggo ng Hunyo.

Ang iba pang proyekto na plano ng Pilipinas na iprisinta sa South Korea para sa  funding support ay ang project preparation facility ng  National Irrigation Administration (NIA), na kinabibilangan ng Asbang Small Reservoir Irrigation Project sa Davao del Sur; development ng bagong paliparan sa Dumaguete City, Negros Oriental; at pagpapatupad ng isang electronic receipt at invoice system,  at isang electronic sales reporting system.   REA CU

Comments are closed.