(Sa 10-araw na drug operations) P70.9-M ILEGAL NA DROGA NASAMSAM NG PNP

UMAABOT sa P70.9 million ang halaga ng droga na nasamsam ng Philippine National Police (PNP) sa ikinasang anti narcotics operation sa loob lamang ng sampung araw nitong buwan ng Enero ng taong ito.

Ayon kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr., mayroon nang mahigit P70.9M na halaga ng iligal na droga ang kanilang nakumpiska sa pagpasok ng taong 2024.
Resulta umano ito ng 719 na anti-illegal drugs operation na inilunsad ng pulisya sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Enero 11.

Nalambat naman ng mga awtoridad ang 1,801 individuals na kabilang sa talaan ng mga wanted persons bunsod ng mga kinakaharap nilang iba’t-ibang kaso.

Sa datos ng ibinahagi ng PNP na bahagi sa kanilang crime statistic , umaabot sa 155 katao ang nadakip sa kampanya laban sa loose firearms na nagresulta sa pagkumpiska ng 673 firearms.

Magugunitang ipinagmalaki ng PNP na bumaba ng walong porsyento ang kanilang naitalang index or focus crime .

Ayon sa PNP- Public Information Office (PNP-PIO), nito lamang sampung araw nakapagtala lamang ng 759 focus crimes kumpara sa 1, 211 na insidente sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Ang 8 focus or index crimes ay kinabibilangan ng mga crime against person gaya ng murder, homicide, physical injury, rape, at crimes against property gaya ng theft, robbery, car theft at motorcycle theft.

Inilantad din ng PNP na sa pagpasok ng bagong taon, umabot sa kabuuang 985 ang bilang ng mga pulis ang tuluyang sinibak sa serbisyo.
VERLIN RUIZ