NAPILI ng Philippine National Police (PNP) ang lungsod ng Las Piñas bilang “Safe City” sa buong National Capital Region (NCR) noong ika-121 Police Service Anniversary na ginanap kamakailan sa National Capital Region Police Office (NCRPO) Hinirang Hall, Taguig City.
Kaugnay nito, iprinisinta ni City police chief Col. Jaime Santos ang ang natanggap na plaque of recognition kay Mayor Imelda Aguilar nitong Agosto 15 na nilagdaan ni NCRPO Director Maj. Gen. Felipe Natividad.
Sa nakamit na tagumpay ay binati ng alkalde ang lokal na pulisya sa pagpapanatili sa Las Piñas na isang ligtas na lugar para maging tirahan.
Aniya, ang tagumpay ng lokal na pulisya ay ibinase sa police performance kung saan ang Las Piñas ay tanging lungsod na may pinakamaliit na crime volume.
Nakapagtala rin ang lokal na pulisya ng may pinakamataas na bilang ng mga inarestong suspek na responsible sa krimen.
“Ipinagmamalaki ko ang ating kapulisan at nagawa nila ang ating lungsod na maging “safe city” sa buong NCR at binabati ko rin si Col. Santos na isang masipag na hepe ng ating kapulisan na nagpapanatili naman sa ating lungsod na maging mapayapa at ligtas sa anumang krimen,” anito.
Tinukoy din ang programang 5K (Kalusugan, Kaayusan, Kaalaman, Kalinisan, Kinabukan) kung saan ito ay kasalukuyang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan na bahagi rin ng “Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo” ng administrasyon.
Gayundin, ang pinakamalaking factor kung paano nagawa ng lokal na pulisya na maging ligtas na lugar para matirahan ang lungsod ay dahil sa pananatili ng police visibility at ang pagsasagawa ng checkpoints na may koordinasyon sa iba’t-ibang barangay sa lungsod.
MUNTINLUPA,
‘BEST CITY POLICE STATION’
Kasabay din nito, tinukoy naman ng PNP ang Muntinpula bilang Best City Police Station sa buong NCR.
Kinilala ang Muntinlupa police na pinangunahan ni Col. Angel Garcillano sa isinagawang flag-raising ceremony na ginanap nitong Lunes ng umaga sa Muntinlupa City hall quadrangle.
Matapos mapili ang Muntinlupa police bilang Best City Police Station ay iginawad sa nagwaging estasyon ni dating National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major Gen. Felipe Natividad ang plaque of recognition sa ginanap na 121st Police Service Anniversary noong Agosto 9.
Sa ginanap na pagsusuri mula Hulyo 2021 hanggang Abril 2022, ang Muntinlupa Police Station ang nangunguna sa lahat ng pinagsamang criteria na kinabibilangan ng bilang ng anti-illegal drug operations; bilang ng naarestong most wanted persons; pinakamataas na crime resolution at efficiency; outstanding community affairs activities; may pinakamababang nairehistrong krimen (tao man o ari-arian); aktibong local government unit (LGU) and stakeholders support, at COVID-19 response.
“We are honored but humbled by this award. Let it be a shining motivation for us to strive more and serve na may Malasakit, para sa Kaayusan, Kapayaan at Kaunlaran ng Muntinlupa City,” ani Garcillano.
Kabilang din sa mga kinilala sa ginanap na PNP anniversary celebration ay sina Staff Sgt. Reynold Sajulga Aguirre bilang Best Junior Police Non-Commissioned Officer for Operations; Cpl. Francis Paulo Sumayod bilang Silver Medal Awardee at si Police Executive Master Sgt. Andrew Gil Garcia naman bilang Bronze Medal Awardee.
Sa panig naman ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ay ipinagmamalaki niya ang lokal na pulisya sa nakamit nito bilang Best City Police Station.
“We are definitely proud of our city police force for their excellent performance. More so we are grateful for the dedication of our policemen and women to serve all Muntinlupeños,” ani Biazon. MARIVIC FERNANDEZ