BUKOD sa mga pagbibigay ng parangal sa mga good performer na units at mga pulis, ibinida rin ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Benjamin Acorda Jr, ang pababang crime rate sa bansa.
Sinabi ni Acorda, ang pababang crime sa bansa bunsod ng puspusang pagtugon sa tungkuling ng mahigit 228,000 strong police.
Sa datos, naitala ang pagbaba ng 6.87% sa overall peace and order indicator na sumalamin sa 1st Semester Crime Situation Report kung saan ang Index at Non-Index Crime volume ay bumaba ng 9.52% at 6.23%.
Habang 2.55% ang ibinaba sa Index Crime Clearance at 3.74% sa Index Crime Solution Efficiency.
Kabilang din sa achievements ng PNP mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2023, aabot sa 84,663 na wanted criminals ang napasuko at naaresto, 50,106 loose firearms ang nakumpiska , 367 criminal gangs ang napasuko, habang 2,355 na miyembro nito ang naaresto.
Aabot naman sa P16.9 bilyon na halaga ng droga ang nakumpiska.
Napasulong din nila ang kanilang frontline police services sa pamamagitan ng completion ng 140 gusali at pasilidad kaya naman nagpasalamat ang PNP kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bilang pagtugon sa kanyang 5-Focused Agenda na pagsunod sa hangarin ni PBBM sa digitalization program, naisakatuparan ang mga imprastraktura gaya ng S.M.A.R.T. Policing Program.
“Our main goal is to enhance police services and provide fast and high-quality assistance to ur clientele, In line with this objective, we have made the National Police Clearance System more accessible to our fellow citizens, ensuring a more convenient process for obtaining it,” anang PNP chief.
Samantala, kasabay ng apela sa publiko na unawain ang kanilang trabaho na pagiging mahigpit sa seguridad, makatitiyak ang lahat sa kanilang serbisyo at gagawin ang katungkulan ng tama.
Pinasalamatan din ni Acorda ang pagsuporta ng publiko gayundin ang kanyang mga opisyal at mga tauhan sa aniya’y “job well done” at hinimok na ipagpatuloy at pagbutihin ang performance.
EUNICE CELARIO