MAKARAAN ang ilang beses na hindi pagdalo sa selebrasyon sa Araw ng Kalayaan mula nang maupo sa Malacanang noong 2016, isang masiglang Pangulong Duterte ang dumalo sa nasabing okasyon.
Taliwas din sa inaasahang antala ang pagdating eksakto alas-9 ng umaga ay kabilang ang Pangulo na humahatak ng lubid para sa Flag raising ceremony na main event ng “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Bagong Bukas” na tema ng ika-124 Araw ng Kalayaan.
Sa gitna ng mataas na temperatura, natapos din ni PRRD ang martsa para maialay ang bulaklak sa Dambana ni Dr. Jose Rizal.
Inasistehan ito nina Executive Secretary Salvador Medialdea, Sen.Bong Go, Foreign Affairs Sec..Teodoro Locsin, Jr., Defense Secretary Delfin Lorenzana, na hindi natapos ang okasyon dahil natumba; Manila Vice Mayor Honey Lacuna, PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao Jr. at AFP Chief of Staff, Gen. Andres Centino.
Naging highlight naman ang flyby ng mga air craft ng Philippine Air Force na ang una ay nagpausok ng mga kulay mula sa bandila ng Pilipinas na sinundan ng korteng Diamond.
Kapansin-pansin ang pagkuha ng pulang bulaklak ni PRRD at paghipo sa dambana ni Rizal na sinasabing kanyang paraan para ipadama ang taos pusong pagrespeto sa Pambansang Bayani.
Makaraan ang okasyon ay nagtungo sa Port Area sa Maynila rin para sa naming and commissioning ng BRP Melchora Aquino na ikalawang barko ng Philippine Coast Guard.
Gayunpaman, may 30 minuto pang namalagi sa Rizal Park si PRRD dahil kinausap pa nito ang miyembro ng diplomatic core gayundin ang ilang namamasyal sa Luneta na tila nagpaalam na ito bilang ika-16 Pangulo ng Pilipinas. EUNICE CELARIO